Huminto sa kalagitnaan ng kaniyang pagbibigay-mensahe si dating presidential executive secretary Atty. Salvador Medialdea sa naganap na "Solidary Walk" para sa ika-81 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado, Marso 28, sa San Pedro Square, Davao City matapos umanong makaramdam ng pagkahilo.
Agad na tumigil si Medialdea sa kaniyang pagsasalita matapos makaramdam ng kakaiba at naka-wheelchair na isinugod sa ospital.
Sa Facebook post naman ni Sen. Bong Go na isa sa mga nakiisa sa programa, nanawagan siya ng panalangin para sa medical procedure ni Medialdea.
"Nananawagan si Senator Bong Go sa mga kababayan natin na sama-sama tayong manalangin na maging matagumpay ang medical procedure ni dating Executive Secretary Salvador 'Bingbong' Medialdea bukas ng umaga," mababasa sa post.
"Sa gitna ng pagbibigay ng mensahe ni former ES Medialdea sa Solidarity Walk for Former President Rodrigo Duterte's 81st Birthday sa Davao City ay mayroon siyang ibang naramdaman, kaya hindi na niya natapos ang kanyang mensahe at agad siyang dinala sa ospital."
"Ipagdasal po natin ang kalusugan ni Former ES Medialdea," aniya pa.
Si Medialdea, na dating executive secretary ni FPRRD, ay isa sa mga nakasama ng dating pangulo nang arestuhin ang huli ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 2025 dahil sa kasong crimes against humanity dahil sa war on drugs noong kaniyang administrasyon.
Habang nasa The Hague, Netherlands, nagkaroon din ng problema sa kaniyang kalusugan si Medialdea kaya na-confine din siya sa ospital.
Maki-Balita: Atty. Salvador Medialdea, isinakay sa ambulansya
Maki-Balita: Sa kalagitnaan ng pagkahimatay: Medialdea, si FPRRD pa rin iniisip
Isa rin siya sa mga tumatayong Filipino lawyer ng dating pangulo.