Isa sa mga nakauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa United Arab Emirates (UAE) ang masayang sinorpresa ng kaniyang asawa sa airport na may dalang flower bouquet.
Ayon sa Facebook post ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo J, Cacdac noong Sabado, Marso 28, ang OFW na si Jazzel ay sinalubong ng kaniyang asawang si Michael na may dalang sunflower bouquet bilang belated na pagbati sa kanilang 20th wedding anniversary noong Linggo, Marso 22.
Saad pa sa nasabing post ng kalihim, si Jazzel ay isang cleaner sa Dubai, at mayroon silang dalawang anak ni Michael sa Pampanga.
Isa rin si Jazzel sa 349 sa mga Pinoy na kabilang sa ikalimang chartered flight ng pamahalaan, na lumapag noong gabi ng Biyernes, Marso 27, sa Villamor Airbase, Pasay City.
Ayon sa DMW, sa kabuoan, umabot na sa 2,910 OFWs mula sa Middle East ang nakabalik na sa Pilipinas; 2,120 dito ay nakauwi sa pamamagitan ng limang chartered flights, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kasalukuyan, tiniyak naman ng DMW at ilan pang ahensya tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), lalaanan nila ng tulong ang mga nakauwing OFW upang makahanap ng mga bagong oportunidad sa pagtatrabaho sa bansa sa pamamagitan ng mga pagsasanay, job fair, at puhunan sa negosyo.