Tila sa pagkakataong ito ay pumabor ang tadhana kay Filipino singer Matty Juniosa na lumahok sa “Britain’s Got Talent.”
Sa isang episode ng “Britain’s Got Talent” kamakailan, sinabi ni Matty na ang nagtulak umano sa kaniya para sumali sa nasabing talent show competition ay para matuldukan na ang kaniyang pagiging “loser.”
“I've been waiting for this chance to finally put an end to this long thing that I've been thinking of about myself that I will always be a singing competition loser,” saad ni Matty.
Matatandaang sumali na siya noong 2019 sa reality competition show na “Idol Philippines” ngunit bigong nanalo.
Sa kasalukuyan, nakatira na siya sa Glasgow at nagtatrabaho bilang part-time waiter.
Matapos ipakilala ang sarili, itinanghal na ni Matty ang “Purple Rain” ng Prince.
At dahil sa ipinamalas na husay, nagsitayuan at nagpalakpakan ang mga studio audience kasama na rin ang mga hurado ng kompetisyon na sina Simon Cowell, Amanda Holden, Alesha Dixon, at KSI.
"You're the kind of artist where I would say you want to put like eight spoonfuls of sugar in your tea. You put about 10,000 in this, I think, is the biggest reaction we've had from anyone. So why not?” sabi ni Simon bago tuluyang pindutin ang golden buzzer.
Ang golden buzzer ang magsisilbing daan kay Matty para makatungtong agad sa semi-finals ng kompetisyon.