Patay ang isang babae matapos saksakin ng isang lalaki sa bangketa, ayon sa imbestigasyon ng pulisya sa Camarines Norte.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang nilapitan ng suspek ang biktima habang nasa gilid ng kalsada. Sa unang sandali, tila sinubukan pa nitong hampasin ang babae ngunit nakaiwas ito.
Ilang segundo pa ang lumipas, umakbay ang lalaki sa biktima at bigla na lamang itong inundayan ng saksak.
Dahil sa tama ng patalim, napasandal ang babae sa pader bago tuluyang bumagsak.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang insidente. Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang wala nang buhay.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na dati umanong magkarelasyon ang dalawa at kamakailan ay hiniwalayan ng babae ang suspek.
Tinitingnan ng pulisya ang selos bilang pangunahing motibo, at sinasabing nakainom din ang lalaki nang mangyari ang krimen.
Naaresto ang suspek kinabukasan at kasalukuyang nahaharap sa kasong murder.
Patuloy pang sinisikap ng mga awtoridad na makuha ang panig ng suspek, habang wala pa ring inilalabas na pahayag ang pamilya ng biktima.