May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ano ang mga nilalaman ng aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, Juan?

ALAMIN: Ano ang mga nilalaman ng aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, Juan?
Photo courtesy: Unsplash

Maraming pag-aaral ang nagsasabi na upang lubos na makilala si Hesus, mainam na simulan ang pagbabasa ng Bibliya sa apat na libro ng ebanghelyo o gospels na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. 

Ito’y dahil ang mga aklat ay naglalaman ng buhay, ministeryo, pagsasakripisyo, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. 

Ayon sa 2 Timoteo 3:16, habang ang lahat ng kasulatan sa Bibliya ay kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohan, pagtutuwid sa likong gawain, at pagsasanay para sa tuwid na pamumuhay, may mga tinawag at itinalaga pa rin ang Panginoon na mga tao upang ilahad ang mga personal nilang engkwentro at karanasan sa pagsunod sa Kaniya. 

Kaya binanggit din sa ilan pang pag-aaral na nagmula ang apat na ebanghelyo mula sa mga unang taon ng simbahan, kung saan, apat na tao ang naniwalang kinakailangang mabasa ng mundo ang istorya ni Hesus mula sa iba’t ibang perspektiba. 

Dahil dito, narito ang ilang kaibahan ng apat na aklat ng ebanghelyo na importanteng malaman ng mga Kristiyano: 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Mateo

Ang aklat ng ito ay pinaniniwalaang isinulat ng apostol na si Mateo, na isang dating maniningil ng buwis sa mga sinaunang Hudyo. 

Saad sa ilang pag-aaral, ang Mateo ay isinulat para sa mga Hudyong gumagamit ng wikang Griyego, habang binanggit naman ng ilang iskolar na isinulat din ito para sa mga taong pamilya sa mga katuruan sa lumang tipan, sa mga batas ni Moses at ng mga propeta. 

Ang highlight ng aklat na ito ay sumisentro kay Hesus bilang Mesiyas, na nakatakdang iligtas ang sanlibutan sa pamamagitan ng Kaniyang pagkamatay at muling pagkabuhay. 

Isa pa sa mga sentro sa aklat na ito ay si Hesus bilang hari na matagal nang hinihintay ng bansang Israel, na nagmula pa mismo sa angkan ni David. 

Marcos

Ang Marcos na itinuring na pinakamaikling aklat sa ebanghelyo, ay pinaniniwalaang isinulat ni John Mark, na katuwang nina apostol Pablo at Baranabe sa kanilang kauna-unahang misyonaryong paglalakbay, at kalauna’y kasama ni apostol Pedro sa pagpapatuloy ng ministeryo ni Hesus. 

Saad sa ilang pag-aaral, isinulat ito para sa mga Romano at sa hindi pa lubos na naniniwala kay Hesus. 

Ang highlight ng aklat ng Marcos ay pinaniniwalaan ding nagpapatungkol kay Hesus bilang anak ng Diyos Ama, na nagkatawang tao upang ilaan ang Kaniyang buhay para sa sangkatuhan. 

Bukod pa rito, saad sa mga pag-aaral, dahil sa mas malawak nitong target audience, nakasentro din ito sa mahahabang diskusyon at katuruan ni Hesus. 

Lucas

Ang Lucas naman ay ang itinuturing na pinakamahabang aklat sa ebanghelyo at buong bagong tipan. 

Ito ay pinaniniwalaang isinulat ni Lucas, na isang Griyegong doktor at kasama ni apostol Pablo, at ang kaniyang aklat ay nakatuon para sa mga Hentil, partikular ang mga Griyego, na hindi pamilyar sa mga katuruan ni Hesus.

Ang lathala dito ay umiikot sa katuruang si Hesus bilang “Son of Man” o Anak ng Tao, na nag-alay ng kaligtasan sa buong mundo. 

Ayon sa ilan pang pag-aaral, ang aklat ng Lucas ay naglalaman ng mga pangyayari sa buhay ni Hesus sa chronological order o magkakasunod na ayos. 

Juan

Ang aklat na ito ay pinaniniwalaang isinulat ni apostol Juan, para sa mga naniniwala at hindi naniniwala kay Hesus at Kaniyang mga katuruan, sa buong mundo. 

Highlight ng aklat ng Juan katuruang si Hesus bilang buong tao at buong Diyos, at ang paniniwala sa Kaniya bilang Anak ng Diyos ay may pangakong buhay na walang hanggan. 

Itinuturo rito ang mga katuruan ni Hesus na nagpapakita ng Kaniyang supernatural na pagkatao. 

Ayon sa mga pag-aaral, mapapansin din na ang aklat lamang ng Juan ang may panimulang bumalik sa kauna-unahang salita sa Bibliya. 

“Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.” - Juan 1:1-3

Habang ang aklat ng Mateo ay nagsimula sa mga henerasyon ni Hesus; ang Marcos sa baptismo ni Hesus sa tubig; at ang Lucas mula sa pagkapanganak ni Hesus. 

Kaya ayon sa mga pag-aaral, sa pagbasa ng mga lathala sa ebanghelyo, mas mapagyayaman ng mambabasa ang kaniyang kaalaman sa Panginoon, ang layon at puso sa likod ng Kaniyang pagsasakripisyo at ang mga katuruan Niya para sa tuwid na pamumuhay.