Sa pagdiriwang ng ika-81 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nitong Sabado, Marso 28, patuloy siyang kinikilala ng maraming Pilipino bilang “Tatay Digong” dahil sa ilang dekada niyang paninilbihan sa publiko.
Mula pa sa pag-upo ni Duterte sa pampublikong posisyon bilang alkalde ng Davao City hanggang sa pag-akyat ng kaniyang posisyon sa Malacañang, siya ay nakilala na sa bansag na “Tatay Digong” dahil sa pagiging “father figure” sa marami, na naniniwalang nagprotekta ang gumabay sa bansa.
Gayunpaman, para naman sa ilan, si Duterte ay nakilala rin sa bansag na “The Punisher” dahil sa mga nauulat na bayolenteng pamumuno sa publiko laban sa mga krimen at mga umano’y promotor nito.
Kaya nakilala rin ang administrasyong Duterte mula 2016 hanggang 2022, dahil sa mga maaanghang at kontrobersiyal na pahayag, patungkol man ito sa mga kritiko sa loob at labas ng bansa o iba pang lider at mambabatas.
Dahil dito, narito ang ilan sa naging “signature lines” ni Duterte bilang pagbabalik-tanaw sa mga taon ng kaniyang termino ng pagiging pangulo ng bansa.
"In this quest, I will put at stake my honor, my life, and the presidency itself."
Ang linyang ito ay binanggit ni FPRRD sa kaniyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong 2016, patungkol sa kaniyang adbokasiya laban sa paggamit ng droga at korapsyon. Sa laban din daw na ito, direktiba niya sa mga awtoridad na maghigpit at maging mapagmatyag sa mga kumukunsinti at nangunguna sa paggamit ng ilegal na droga upang maipakulong ang mga ito.
"Human rights must work to uplift human dignity. But human rights cannot be used as a shield or an excuse to destroy the country — your country and my country."
Isa pa sa mga naging mariing linya ni Duterte ay nagpatungkol sa karapatang pantao, na habang prayoridad ng kaniyang administrasyon ang rehabilitasyon ng mga mahuhuling drug users, nananatiling matatag ang batas sa proteksiyon ng buhay at karapatan ng bawat isa sa kasagsagan ng laban sa droga.
"Hitler massacred 3 million Jews. There are 3 million drug addicts. I'll be happy to slaughter them."
Ilang buwan lamang sa pagka-pangulo, binanggit ni Duterte sa isang pahayag noong 2016 na naninindigan siyang ipapahuli at ipapapatay lahat ng umano’y drug addicts.
Dahil sa kaniyang pag-reperensiya sa German dictator na si Adolf Hitler, ang pahayag na ito ay nagdulot ng pag-aalala sa ilang mambabatas sa US.
“Sinasabi ko I can clean it in six months. Then after that, I realized na nagkamali talaga ako … Maybe it’s hubris. It was campaign time. Payabangan naman ’yang kampanya."
Isa pa sa mga naging pahayag ni Duterte ilang buwan lamang sa opisina bilang pangulo, binanggit niya sa publiko na isang pagkakamali ang binitawan niyang pangako na mabigyan ng solusyon ang problema ng bansa sa ilegal na droga.
Aniya rito, ang pahayag na ito ay dala lamang ng bugso ng damdamin sa kaniyang kampanya sa pagkapangulo.
"Don't get me wrong. There is a crisis being faced in this country. There is a national emergency. Kung ayaw mong magpabakuna, ipaaresto kita."
Sa kasagsagsan ng krisis na kinahaharap ng bansa sa Covid-19 pandemic, naging maanghang pa rin ang mga salitang binitawan ni Duterte sa publiko bilang panawagan nito sa pagpapabakuna upang maiwasan ang mas pagkalat ng virus sa bansa.
“We are fighting a drug war that was being participated in the business by nine generals of PNP. Kaya ‘yan ang masakit sa loob ko. I did not know that I was fighting my own government.”
Sa kaniyang SONA noong 2021, inamin ng dating pangulo na hindi niya alam na sa laban ng kaniyang administrasyon laban sa droga, umano’y kalaban din daw niya ang sariling pinangungunahang pamahalaan dahil sa partisipasyon ng ilang opisyal sa pagpapasok ng ilegal na droga sa loob ng bansa.
“Those who destroy my country, I will kill you.”
Isa pa sa mga tumatak na linya ni Duterte sa kaniyang SONA noong 2021 ay ang babala niya sa mga promotor ng ilegal na droga sa bansa, dahil sa pagkasira ng buhay ng maraming tao, partikular ng kabataan sa bansa dahil dito.
Kaya kasama rin sa pahayag na ito, tiniyak ng dating pangulo na ipahuhuli ang mga nasa likod ng ilegal na droga dahil sa pagmamahal niya sa bansa.
“And those who destroy the young people of our country, I will kill you. Talagang yayariin kita because I love my country. You can do it the legal way but it would take you months and years,” mariing dagdag ni Duterte.