May 22, 2026

Home BALITA National

VP Sara sa mga Pinoy: 'Ang pinakamabisang panlaban sa krisis ay kahandaan!'

VP Sara sa mga Pinoy: 'Ang pinakamabisang panlaban sa krisis ay kahandaan!'
Photo courtesy: OVP

Ipinayo ni Vice President Sara Duterte na kailangang maging handa ng publiko sa gitna ng pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo at iba pang mga bilihin bilang pinakamabisa na kahandaan sa krisis. 

Ayon sa inilabas na video statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page noong Huwebes, Maraso 26, 2026, sinabi niyang dapat daw na simulang planuhin ng publiko ang mga hakbang na kailangan nilang gawin hanggang sa matapos ang 2026. 

Anang bise presidente, dapat umanong maging handa ang publiko sakaling mawalan sila ng trabaho, asahan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, at magtala ng risk reduction measures upang malabanan ang nakaambang matinding init sa tag-araw at mga pagbaha kapag sumapit na ang panahon ng tag-ulan. 

“Ang pinakamabisang panlaban sa krisis ay kahandaan,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Simulan na nating planuhin ang ating mga hakbang hanggang sa katapusan ng taong 2026, kasama na ang pagharap sa posibleng pagkawala ng trabaho, patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, at risk reduction measures laban sa epekto ng matinding init at mga pagbaha sa ating kabuhayan.” 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ani VP Sara, makakaasa raw ang publiko na patuloy maglilingkod ang mga kawani ng Office of the Vice President (OVP) upang makatulong sa mga nahihirapan. 

“Maliit man ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, makakaasa kayo na bawat isa sa amin ay patuloy na naglilingkod at naghahanap ng paraan upang makatulong sa taong-bayan,” aniya. 

“Tayo ay isang bayang may matibay at malakas na pananampalataya sa Diyos, kaya patuloy tayong manalangin ng taimtim at nawa’y bigyan ang ating bansa ng lakas, gabay, at pagkakataon tungo sa tunay na mapayapa at masaganang buhay,” pagtatapos pa niya. 

Bago nito, nauna na ring ilahad ni VP Sara sa pareho niyang video statement ang tuloy-tuloy na pagsulong ng mga programa nilang “PagbaBAGo” sa sektor ng edukasyon, libreng sakay sa mga commuters at manggagawa sa iba’t ibang siyudad at mga probinsya, “Mag Negosyo ta ‘Day,” at “RIICE” project para sa mga nangangailangan. 

Inanunsyo rin ni VP Sara na hindi muna matutuloy ang “Pasidungog at Kasarilayaan” event na nakatakda sana nilang isagawa sa Hunyo dahil napagdesisyunan umano nilang ilaan na muna ang pondo nito sa RIICE project. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, mas pipiliin tumulong sa mga Pilipino kesa dumalo sa impeachment hearing!

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umaasang ibabasura ng Kamara impeachment case laban sa kaniya!