May 22, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa mga umano'y naninira sa pamahalaan: 'Hindi panahon ngayon ng pang-iintriga!'

Palasyo sa mga umano'y naninira sa pamahalaan: 'Hindi panahon ngayon ng pang-iintriga!'
Photo courtesy: RTVM/YT


Binuweltahan ng Malacañang ang mga umano’y “detractors” na patuloy na naninira sa gobyerno, sa kabila ng mga solusyon at tugong inilalatag nito upang matulungan ang mga Pilipino.


Kaugnay ito sa mga tulong-pinansyal o ayuda na ipinamamahagi ng pamahalaan upang masaklolohan ang taumbayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Marso 27, tila hinamon ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang mga umano’y naninira na ikasa nila ang kanilang sariling imbestigasyon kung sila man ay may pagdududa sa tugon ng pamahalaan.

“‘Yan naman po ay puro haka-haka, puro pang-iintriga. Kung mayroon silang nais na malaman, at mayroon silang duda, e ‘di sila na po mismo ang mag-imbestiga,” saad ni Usec. Castro.

Base pa sa press officer, hindi raw panahon ngayon upang bumuo ng mga intriga, at wala rin daw ito sa isip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa ngayon po, hindi po iniisip ng Pangulo ‘yong mga ganiyang klase ng intriga. Hindi panahon ngayon ng pang-iintriga,” anang press officer.

“Kailangan po natin ng pagtutulungan, hindi po natin kailangan ng paninira, kung hindi pag-uunawaan,” aniya pa.

Matatandaang nagpamahagi ang pamahalaan ng fuel subsidy para sa mga tsuper at driver na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Bunga ito ng patuloy na girian ng mga bansa sa Middle East, na siyang nakaaapekto rin sa presyo ng mga pangunahing produkto at sistema ng transportasyon sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo-Balita