May 22, 2026

Home BALITA Metro

Manila LGU, tinalakan pangungutya sa truck nilang may alok na libreng sakay

Manila LGU, tinalakan pangungutya sa truck nilang may alok na libreng sakay
Photo courtesy: Manila PIO/FB

Kinondena ng Manila Public Information Office ang kumalat umano sa social media na isang garbage o dump truck ang ipinakalat ng local government unit (LGU) ng Maynila para sa alok na libreng sakay.

Sa Facebook post ng Manila PIO, iginiit nilang isang disaster truck ang ipinakalat ng Manila LGU para sa mga pasaherong na-stranded bunsod ng dalawang araw na transport strike.

"Ang mga sasakyang ginagamit ay mga Shacman disaster transport truck ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department na binili noong 2023 at sadyang dinisenyo at isinailalim sa customization para sa search and rescue operations at emergency response ng lungsod," anang Manila PIO.

Saad pa ng Manila PIO, hindi rin daw basta-basta ang mga sasakyang nilang ipinalabas para sa libreng sakay dahil matagal na rin daw nila itong nagagamit para sa mga iba't ibang operasyon, lalo na sa oras ng kalamidad.

"Ang mga ito ay matagal nang ginagamit sa iba't ibang operasyon tuwing may kalamidad at kasalukuyang inilaan upang kahit papaano ay makatulong sa mga pasahero na apektado ng dalawang araw na tigil-pasada," saad ng Manila PIO.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Paglilinaw pa nila, "Tinitiyak ng pamahalaang lungsod na ang mga sasakyang ito ay ligtas at maayos para magamit ng publiko."

Matatandaang isa si MANIBELA Chairman Mar Valbuena sa mga pumuna ng naturang truck sa kasagsagan ng kaniyang panayam sa media hinggil sa ikinakasa nilang transport strike.

“Tingnan mo, picturan mo. Wala ng pasahero! Di na nakapasok, huli ka na!” ani Valbuena.

Hirit pa niya, “Lalaban ba sa giyera 'yan? Lalaban ba sa giyera?”

Pinuna rin niya ang tila pagkahawig ng nasabing truck sa isang truck umano ng basura.

“Anong tingin n'yo sa mamamayan, basura?” saad pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: 'Anong tingin n'yo sa mamamayan, basura?' MANIBELA, kinutya libreng sakay ng Maynila