May 21, 2026

Home BALITA

Fuel subsidy ng provincial drivers, ikakasa pagtapos ng Holy Week

Fuel subsidy ng provincial drivers, ikakasa pagtapos ng Holy Week
Photo courtesy: DSWD/FB


Kinumpirma mismo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na isasagawa pagkatapos ng Semana Santa ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa mga probinsya.


Sa isinagawang media forum ng Kapihan ng Samahang Plaridel sa Rizal Park Hotel, Manila nitong Biyernes, Marso 27, inilahad niya ring aabot sa humigit-kumulang 750,000 tricycle drivers ang namamasada at namamalagi sa mga lalawigan.

“Alinsunod sa direktiba ng ating pangulo, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinimulan na ng DSWD sa mabilis na panahon ang pag-distribute ng tulong-pinansyal para sa ating mga public utility vehicle (PUV) drivers,” saad ni Sec. Rex Gatchalian.

“Pagkatapos po ng Holy Week, magtutungo na ho tayo sa mga lugar sa labas ng Metro Manila—sa mga probinsya. Ang estimate pa ho natin doon, paunang figures na tricycle drivers umaabot sila ng 750,000 na mga tricycle drivers or operator/driver," pagkumpirma niya.

Ayon pa kay Sec. Rex Gatchalian, aabot naman sa 216,267 drivers mula sa Metro Manila ang napamahagian ng subsidiya—na aabot din sa humigit-kumulang ₱1.5 bilyon.

Anang kalihim, nararapat lamang na tulungan ang mga nasa sektor ng transportasyon dahil sila ay mahalaga sa ekonomiya ng bansa.

“So, ang layunin ng programa na ‘to, tulad ng direktiba ng ating Pangulo, ay matulungan natin ‘yong ating mga transport sector dahil alam natin kung gaano sila ka-vital sa ating ekonomiya,” anang kalihim.

“Alam natin na sila ‘yong medyo talagang in the frontline nitong effects ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kaya inuuna natin sila,” giit pa niya.

Sa kaugnay na ulat, matatandaang tiniyak si Sec. Rex Gatchalian na sila ay gagawa ng paraan upang mabigyan ng tulong-pinansyal ang mga driver na hindi umano nakatanggap ng fuel subsidy—sa kadahilanang sila ay wala sa listahang isinumite ng kanilang lokal na pamahalaan.

“Gagawa kami ng mga team mula sa hanay ng LTFRB at DSWD. Pupunta kami sa mga city para makipag-ugnayan sa kanilang local government unit, pati na rin sa mga presidente o chairman na mga JODA sa lugar na ‘yon,” saad ni Sec. Gatchalian sa isang panayam noong Miyerkules, Marso 25.

KAUGNAY NA ULAT: 'Hahanapin natin isa-isa:' DSWD, aaksyunan mga tsuper na 'di nakakuha ng ₱5k fuel subsidy-Balita