Ibinahagi ni SexBomb member Sunshine Garcia ang mga dahilan sa likod ng pag-aalangan niyang pagsali sa huling “rAWnd” ng kanilang “Get Get Aw!” concert sa darating na Abril.
Saad ni Sunshine sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Marso 25, ilan sa mga rason niya sa hindi na dapat pagsali ay ang iniindang “disk bulge” na naglilimita raw minsan sa galaw niya, na kahit pagtayo ay pahirapan pa.
Isa pa raw ay ang kawalan niya ng oras sa pamilya dahil sa pagka-busy ng schedule.
“Ang daming reason, isa na dito yung Disk Bulge ko sa likod nalilimitahan nya minsan yung galaw ko. Juicemi tatayo lang ako pahirapan pa minsan (ok sign of ageing) at alam ko nawalan ako nang time sa family sa sobrang busy ng schedule, may mga event na din ang mga kids na di ko na napupuntahan buti na lang nandyan si Alex kahit busy, sya na gumagawa ng paraan makapunta sa mga bata.,” ani SexBomb Sunshine.
Dahil sa todong support ng asawang si Bulacan Vice Governor Alex Castro, itotodo na ni Sunshine ang paghataw sa darating na “rAWnd 6.”
Aniya pa, sinabihan pa nga raw siya ng mister na “Inumpisahan mo sayang naman kung di mo tatapusin,” bagama’t tiyak na magiging iba ang “rAWnd 6” sa mga na nauna pang “rAWnds,” babawi na lamang daw si Sunshine sa pamilya pagkatapos ng kanilang concerts at tours.
“Iba ngayon ang rAWnd 6 since ito na ang last iba sa mga nauna. Kukuha ulit nang oras na para sana sa pamilya ko pero sabi nga ni Alex sumali na ako at tapusin ko na, hindi na lang para sa sarili ko kung di para na din sa mga fans,” saad ni Sunshine.
“Since madali akong kausap eh di GO charroott! Babawi na lang ako sa kanila after ng concert at nang mga tour namin.,” dagdag pa niya.
Sa nasabi pang post, hindi nakalimutan ni Sunshine pasalamatan ang fans na talagang sumuporta rin sa kanila simula pa sa “rAWnd 1” hanggang sa mainit na pag-aabang sa “rAWnd 6.”
Saad pa niya, kahit muli silang na-busy sa SexBomb, malaking blessing ang mga nangyaring concert reunion nila.
“Itodo na natin ito isang gabing hatawan, puksaan at sakit ng katawan after naman nyan back to normal na ulit tayo.. At Least masasabi natin pare parehas tayong present at tinapos ang rAWnd 1 to rAWnd 6,” saad ni Sunshine.
“Ngayon pa lang thank you dahil BINALIK nyo kami nabusy tuloy ang mga tyahin nyo akala namin mga single pa kami sa schedule haha Pero sobrang HAPPY kami isang malaking blessing ang nangyari sa grupo.. SBG hanggang dulo,” pasasalamat niya sa fans.
Ang “rAWnd 6,” ay nakatakdang ganapin sa SMDC Festival Grounds, Parañaque City, sa Abril 30.
Dahil ito na ang huling pasabog ng SexBomb, mariing ibinilin niya sa fans na magbaon ng extrang damit pamalit o towel na pagpupunasan ng pawis, dahil lahat ng luha, laban, at tagumpay ay dadalhin nila “rAWnd” na ito.
MAKI-BALITA: ‘rAWnd 6’ concert ng SexBomb, ihahataw na sa Abril 30!