Nagbigay ang Malacañang ng komento hinggil sa mga napaulat na tsuper na bigong makakuha ng ₱5,000 fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Marso 26, ibinahagi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nakausap niya si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez hinggil sa nasabing isyu.
“Nakausap ko si Secretary Rex Gatchalian ng DSWD, pati po si Secretary Giovanni Lopez, at inalam po natin ang naging sitwasyon dito,” panimula ni Usec. Castro.
Aniya, “Ang sabi po ni Secretary Rex Gatchalian sa atin, ang lahat po ng nakalista ay talagang mabibigyan po agad ng ayuda. Malamang po ang ibang nakalista ay…mayroon po kasi daw nakakapag-doble. Let’s say parang nasa tricycle, and then nasa motortaxi pa rin, ‘yong iba po ha.”
“So ang kailangan lang po natin talaga ay makita po lahat ang listahan ng mga valid na mga beneficiaries,” dagdag pa niya.
Binasa naman ni Usec. Castro ang isang pahayag na ibinahagi ni Sec. Lopez para sa mga hindi nakakuha ng nasabing ayuda.
“Sa mga hindi nalista at nabigyan na jeepney driver/tsuper, napagkasunduan na namin ni Sec. Rex Gatchalian na maglalaan kami ng araw for special payout para makatanggap ang mga nasabing tsuper at driver ₱5,000 mula sa cash relief program sa ilalim ng AICS ng DSWD,” ani Lopez.
“Maaari pong nagkaroon ng double-entry o kulang na detalye sa kanilang mga pangalan; o kaya naman ay hindi narehistro sa LTFRB. Pero sa utos ng Pangulo, walang maiiwan,” dagdag pa niya.
Giit ng press officer, kailangan lamang daw na ayusin ang ilang mga dokumento para mapatunayang valid ang mga nasabing beneficiaries na makatanggap ng tulong-pinansyal.
Samantala, matatandaang tiniyak ni Sec. Gatchalian na aayusin ng ahensya ang listahan upang masiguro na mabibigyan ng tulong-pinansyal ang mga driver na bigong makakuha ng ayuda.
“Sisiguraduhin namin na kami na ang aabot sa inyong local government unit para masigurado na mapabilang naman kayo sa susunod na payout at hindi magtatagal ang payout na iyon,” saad ni Sec. Gatchalian sa isang panayam noong Miyerkules, Marso 25.
MAKI-BALITA: 'Hahanapin natin isa-isa:' DSWD, aaksyunan mga tsuper na 'di nakakuha ng ₱5k fuel subsidy-Balita