May 22, 2026

Home BALITA National

'Hindi pwedeng kukupad-kupad!' De Lima, nag-react sa pagpirma ni PBBM sa excise tax suspension, reduction

'Hindi pwedeng kukupad-kupad!' De Lima, nag-react sa pagpirma ni PBBM sa excise tax suspension, reduction
Photo courtesy: Leila de Lima/FB, RTVM/YT


Nagkomento si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila De Lima hinggil sa paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act No. 12316, ang batas na magbibigay sa kaniya ng kapangyarihang bawasan o suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo.

MAKI-BALITA: PBBM, pirmado na batas na magsususpinde sa fuel excise tax!-Balita

Ayon sa isang pahayag na ibinahagi ni De Lima noong Miyerkules, Marso 25, hindi raw dapat maging mabagal ang pamahalaan, gayong napirmahan na ang nasabing batas, kasabay ang deklarasyon ni PBBM ng national energy emergency.

“Ngayong nagdeklara na ang Pangulo ng State of National Energy Emergency at napirmahan na ang batas na nagbibigay sa kanya ng awtoridad para suspendehin o bawasan ang excise tax, hindi pwedeng kukupad-kupad ang gobyerno sa pagpapatupad nito,” ani De Lima.

Giit niya, “Hindi mapapanatag ang ating mga kababayan kung sasabihan lang sila na ’normal pa ang lahat’ o ‘wala pang krisis,’ lalo na kung halos wala nang natitira sa kanilang kita at kulang na kulang na ang panggastos para sa pamilya dahil sa mahal na gasolina.”

Anang mambabatas, dapat naman talagang ikonsidera ang suspensyon ng naturang buwis, kasabay ang pamamahagi ng subsidiya sa mga sektor na apektado ng krisis—dahil tila inaasahan na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo bunsod ng tensyon sa Middle East.

“And if oil prices have already doubled and are expected to rise further as the conflict in the Middle East continues, the government should seriously consider suspending VAT on fuel products, revising the oil deregulation law, and institutionalizing regular subsidies for our farmers, fisherfolk, PUV drivers, and other low-income sectors,” anang mambabatas.

Nauna nang ibinaba ni PBBM ang state of national energy emergency sa bansa bunsod ng posibleng pagkaantala sa suplay at produksyon ng langis, bunga ng patuloy na girian sa Gitnang Silangan.

MAKI-BALITA: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!-Balita