Patay ang isang 18 taong gulang na lalaki matapos masaksak sa naganap na rambol sa Barangay Caingin, Malolos, Bulacan.
Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang habulan ng dalawang grupo ng kabataan sa isang eskinita na kalaunan ay nauwi sa komosyon, suntukan, at paggamit ng patalim.
Tinamaan ng saksak ang biktima na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa mga kaanak, kamakailan lamang ipinagdiwang ng biktima ang kaniyang ika-18 kaarawan at nakatakda pa sanang magtapos sa senior high school ngayong linggo.
Sa imbestigasyon ng Malolos City Police Station, lumalabas na isang kapuwa binatilyo ang responsable sa pananaksak.
Nagsimula umano ang insidente sa asaran sa pagitan ng dalawang grupo ng kabataan na kalaunan ay lumala at humantong sa karahasan.
Agad namang naaresto ang tatlong suspek, kabilang ang 16-anyos na umano’y nanaksak, gayundin ang 17-anyos at 23-anyos na kasama sa rambol.
Nahaharap sa kasong homicide ang suspek na nasa hustong gulang at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
Samantala, nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad.
Nakaburol na ang labi ng biktima sa kanilang tahanan sa Bulacan, at inaasahang bibigyan siya ng tribute ng kaniyang paaralan at mga kaibigan sa darating na graduation.