Kinuwestiyon ni Sen. Imee Marcos ang kapasidad ng gobyerno na mag-abot ng tulong sa taumbayan gitna ng krisis na kinakaharap ng Pilipinas.
Ito ay matapos ideklara ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang state of national energy emergency.
Maki-Balita: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Miyerkules, Marso 25, hinanapan niya ng kongkretong plano ang pamahalaan para lutasin ang krisis na kinakaharap.
“Kanino ba tayo nakikipag-usap? Nakisuyo na ba tayo sa Indonesia, Malaysia, Australia pati sa China at India? Mayro'n ba talagang plano ang pamahalaan o puro ayuda na lang ang ibibigay nila sa tao?" anang senadora
Ayon kay Sen. Imee, nararapat na umanong makipagnegosasyon ang Pilipinas sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya para makapag-angkat ng krudo.
Bukod dito, iginiit din niyang kalampagin ang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine National Oil Company (PNOC) para sa malawakang solusyon.
Dagdag pa niya, “Hindi pangmatagalan na solusyon ang ayuda, pinagkakakitaan na 'yan ng mga buwaya. Ang kailangan natin ay seryoso at matalinong pagpaplano para sa mga ordinaryong Pilipino.”
Matatandaang ilang araw bago isailalim ang bansa sa state of national energy emergency, sinabi kamakailan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ay wala umanong krisis sa suplay ng langis ang Pilipinas.
Maki-Balita: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo