Nagtipon-tipon ngayong araw ng Martes, Marso 24, ang mga host, staff, at mga opisyal ng ABS-CBN upang pormal na magpaalam sa tahanan ng sikat na reality show na Pinoy Big Brother (PBB).
Sa Facebook post at ulat ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe, kinumpirmang opisyal nang lilipat ang programa sa isang bagong bahay, na magsisilbing panibagong yugto sa mahigit dalawang dekadang pag-ere ng nasabing palabas.
Makikita sa larawang ibinahagi online ang makasaysayang sandali ng pamamaalam ng PBB team sa iconic na bahay na naging saksi sa libo-libong kuwento ng pakikipagsapalaran, pagkakaibigan, at personal na pagbabago ng mga naging housemates sa paglipas ng mga taon, na karamihan ay nasa showbiz at namamayagpag pa rin.
Makikita sa larawang ibinahagi ni MJ si ABS-CBN executive Cory Vidanes, direktor nitong si Lauren Dyogi, PBB Business Unit Head na si Marcus Vinuya, gayundin ang hosts na sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, at Alexa Ilacad.
Ang huling season na ginanap sa lumang PBB house ay ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0. Ito na rin ang nagsilbing huling pagkakataon na nasilayan ng publiko ang nasabing bahay na matagal nang naging simbolo ng isa sa pinakamatagumpay na reality shows sa bansa.