Patay ang 64 katao habang 89 pa ang sugatan matapos ang pag-atake sa isang healthcare facility sa Sudan, ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong Sabado, Marso 21, 2026.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang humanitarian office ng United Nations (UN) sa Sudan kaugnay ng insidente sa isang ospital sa East Darfur, na umano’y ikinasawi ng dose-dosenang katao, kabilang ang mga bata, at ikinasugat ng marami pang iba.
Ayon sa Sudanese rights group na Emergency Lawyers, isang drone strike ng militar ang tumama sa El-Daein Teaching Hospital sa lungsod ng El-Daein.
Ang Rapid Support Forces (RSF) ang kumokontrol sa malaking bahagi ng western Darfur, habang hawak naman ng hukbong sandatahan ng Sudan ang silangan, gitna at hilagang bahagi ng bansa.
Kinumpirma ng monitoring system ng WHO ang insidente ngunit hindi nito tinukoy ang eksaktong lokasyon. Batay sa tala, gumamit ng mabibigat na armas sa pag-atake na nakaapekto sa isang secondary health care facility, kabilang ang mga medical personnel, pasyente, at mga suplay at imbakan ng gamot.
Samantala, iniulat na ang pinakahuling pag-atake ng militar sa pamilihan ng lungsod kamakailan ay nagpasiklab ng mga bariles ng langis na ilang oras ding nagliyab.
Naging halos araw-araw na rin ang drone strikes sa gitna ng patuloy na digmaan sa Sudan, na kadalasang kumikitil ng dose-dosenang buhay sa bawat insidente, lalo na sa southern Kordofan region.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagkondena ng UN, patuloy pa ring nagiging target ang mga ospital sa buong panahon ng digmaan.
Tinatayang pagsapit ng Disyembre 2026 ay aabot na sa1,800 katao na ang nasawi sa mga pag-atake sa health facilities mula nang magsimula ang digmaan, kabilang ang 173 health workers, ayon sa UN.
Ngayong taon, naitala na ang 12 pag-atake sa sektor ng kalusugan sa Sudan na nagresulta sa 178 pagkamatay at 237 pagkasugat.
Sa kabuuan, tinatayang sampung libong katao na ang nasawi sa digmaan sa buong bansa, habang mahigit 11 milyong indibidwal ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.