Rumesbak si Sen. Robin Padilla para kay Sen. Bong Go na pinutakti matapos bakbakan ang paayuda nito para sa mga biktima ng sunog sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City.
Matatandaang lumutang sa social media ang isang video clip kung saan mapapanood ang pagkadismaya ng ilang biktima sa natanggap nilang nakabaldeng food packs na may kartong pampakapal mula kay Go matapos ang mahabang pagpila.
Kaya sa latest Facebook post ni Padilla nitong Martes, Marso 17, sinabi niyang labas umano sa trabaho ni Go ang ginawang pagtulong sa mga biktima ng sunog.
“Ang kinukutya po ninyo na pantawid ay galing po sa sarili niyang kakayahan hindi po galing sa gobyerno o programa ng gobyerno,” saad ni Padilla.
Dagdag pa niya, “Paumanhin kung kayo po ay nag-antay ng matagal. Ang kaayusan po kasi sa oras ng pamamahagi ay kailangan para sa inyo rin po na kapakanan.”
Kaya naman naghayag ng lungkot si Padilla sa nasaksihan niya sa video.
Aniya, “Nakalulungkot ang video na ito at nakapagbibigay ng palaisipan para sa mga nais tumulong.”
Samantala, nauna nang humingi ng dispensa kay Go ang pamahalaang barangay ng Pinyahan dahil sa nangyari.