April 16, 2026

Home BALITA Metro

Driver ng riding-in-tandem na pumatay sa security escort ni Yorme, sumuko na!

Driver ng riding-in-tandem na pumatay sa security escort ni Yorme, sumuko na!
Photo courtesy: Manila Public Information Office/FB


Sumuko na ang driver ng riding-in-tandem na kumitil sa buhay ng security escort ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na si George Capistrano.

Kasunod ito ng alok ni Domagoso sa nasabing driver na ₱500,000 at proteksyon sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6981, o ang "Witness Protection Security and Benefit Act,” kung siya ay susuko sa loob ng 48 oras.

KAUGNAY NA BALITA: Mayor Isko, pinasusuko drayber ng riding-in-tandem na pumaslang sa security escort niya; may alok na ₱500k, proteksyon-Balita

Sa programang “Talk to the People” ng Manila Public Information Office nitong Martes, Marso 17, kinilala ang nasabing driver na si “Biboy.”

Isiniwalat ni Biboy na ang bumaril kay Capistrano ay si Albert Magdaraog.

Kuwento pa niya, hindi niya raw alam na papatayin ng kaniyang kasama si Capistrano.

Natanong din ni Mayor Isko ang driver sa dahilan kung bakit siya sumuko.

“Hindi naman po sana ako susuko, e. ‘Yong ibang pulis lang po, hindi naman po talaga ako susuko…kasi ‘yong ibang pulis na ginawa nila sa akin, ‘di naman makatarungan ‘yong ginawa nila sa’kin,” saad ni Biboy.

Paglalahad pa niya, nayaya lang daw siya at walang kaalam-alam na papatay ang kaniyang kasama. Kung alam niya lamang daw ay tiyak na hindi siya sasama rito.

Giit ni Mayor Isko, sisiyasatin ng mga awtoridad ang mga impormasyong nakuha mula kay Biboy at gagamitin para sa mga isasagawang imbestigasyon.

Banta pa niya sa suspek, natitiyak niya raw na malapit na itong mahuli.

Matatandaang pinatay si Capistrano mismo sa harap ng bahay nito bandang 12:00 ng madaling araw noong Linggo, Marso 15.

Nagsilbi si Capistrano bilang pulis Maynila, at siya ay malapit na kaibigan ni Mayor Isko.

MAKI-BALITA: Security escort ni Mayor Isko, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem-Balita