April 13, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Gamit mo gas nila tapos iba pinopromote mo!' Ronnie Liang, nagpasaring ba kay Hidilyn Diaz?

'Gamit mo gas nila tapos iba pinopromote mo!' Ronnie Liang, nagpasaring ba kay Hidilyn Diaz?
Photo courtesy: Ronnie Liang (FB)/MB File Photo

Nagbigay ng tila patutsada sa social media ang singer, aktor, licensed pilot, at Army reservist na si Ronnie Liang kaugnay ng kontrobersiya tungkol sa umano’y “lifetime free fuel” incentive, na bagama't walang tinukoy kung sino ang pinatutungkulan, espekulasyon ng mga netizen ay para kay 2020 Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.

Ang nasabing pahayag ni Liang ay tamang-tama sa kasagsagan ng pagputok ng usapin tungkol sa umano’y “drawing” o hindi natuloy na lifetime fuel incentive na ipinangako kay Diaz ng isang fuel company, nang manalo siya sa Olympics bilang kauna-unahang Pilipinong nakapag-uwi ng gintong medalya para sa bansa, para sa women's weightlifting.

Naungkat ang tungkol dito dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, kaugnay pa rin sa sigalot na nagaganap sa pagitan ng Amerika-Israel kontra Iran.

Nauna rito, sinabi ng longtime manager ng weightlifter na si Noel Ferrer sa isang Instagram story na “drawing" ang nabanggit na insentibo, at tanging dalawang taon lamang nakaranas ng libreng fuel ang atleta.

Maki-Balita: Lifetime fuel incentive ni Hidilyn Diaz, 'drawing' lang?-Balita

Tsika at Intriga

Ogie Diaz, dinepensahan si Sarah Lahbati sa paglalako ng mga gamit

Bilang tugon, naglabas ng opisyal na pahayag ang Phoenix Petroleum Philippines upang linawin ang kanilang panig sa isyu.

Ayon sa kompanya, matagal na nilang sinusuportahan ang mga atletang Pilipino. Noong 2018 pa umano sila nagsagawa ng donation drives para sa hangarin ng bansa na makuha ang kauna-unahang Olympic gold medal. Noong 2019 naman, tumugon sila sa panawagan ni Diaz para sa suporta at nagbigay ng allowance habang patuloy itong naghahanda para sa kompetisyon.

Matapos makasungkit si Diaz ng kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics noong 2021, sinabi ng kumpanya na nagbigay sila ng ₱5 milyon na cash donation sa weightlifting champion. Nagkaloob din sila ng ₱3 milyon kina Carlo Paalam at Nesthy Petecio, habang ₱1 milyon naman ang ibinigay kay Eumir Marcial.

Dagdag pa ng kompanya, si Diaz ang nakatanggap ng “free fuel for life” donation bilang nag-iisang gold medalist ng bansa sa naturang Olympics.

Gayunman, ipinaliwanag ng Phoenix Petroleum na noong Marso 2022 ay natanggap ni Diaz ang kaniyang ikalawang taon ng fuel donation. Ngunit nang hilingin umano sa kaniya na ibahagi ito online, tumanggi raw ang atleta dahil may kontrata na siya sa ibang petroleum company.

Ayon sa kompanya, mula noon ay hindi na nagkaroon ng komunikasyon si Diaz sa kanila, at iginalang na lamang nila ang desisyon nito.

Iginiit ng Phoenix Petroleum na tinupad nila ang kanilang commitment, ngunit dahil sa pagbabago ng sitwasyon at pakikipagkontrata ni Diaz sa ibang fuel brand, hindi na maaaring ipagpatuloy ang fuel donation arrangement sa parehong kondisyon.

Sa kabila ng isyu, sinabi ng kompanya na nananatili ang kanilang paggalang kay Hidilyn Diaz at sa lahat ng atletang Pilipino, at ipinagmamalaki nila ang naging bahagi nila sa pagsuporta sa mga atleta sa mahalagang yugto ng kanilang karera.

Maki-Balita: Petroleum company sa likod ng ‘lifetime fuel incentive’ ni Hidilyn Diaz, nagsalita na!

ININTRIGANG PARINIG POST NI RONNIE LIANG

Sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Marso 14, ipinunto ni Liang ang umano’y hindi pagiging patas sa kompanyang nagbigay ng suporta sa hindi tinukoy na personalidad noong nagsisimula pa lamang ito sa kaniyang karera.

Mababasa sa kaniyang post, "Ang nag bibigay sayo ng Libreng Fuel at sumuporta sayo noong nag uumpisa ka palang Si Phoenix Petroleum Philippines, Inc. tapos ang ine endorse mo ibang Oil Company.

"Unfair naman un sa nag bibigay ng libreng fuel at tumulong sayo nun nag start ka palang lumaban and masakit din on their part."

"Gamit mo gas nila tapos iba un pino promote mo," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Ronnie Liang/FB

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Two years lang po siya may unli gas sa Phoenix Petroleum Company espicifically in Davao City according to hee Spokes person po."

"Sana naisip din ng ibang nagreklamo against Phoenix kung okay lang din ba sa Petron na kinuha at binayaran siyang endorser sa Petron pero ang gamit niyang fuel is from Phoenix."

"Bayad naman endorsement nya dun sa isa yun na lang gamitin nya pambayad pag magpapa gas sya sa phoenix."

"its a reward dapat bago ng post ng phoenix ng lifetime nakalagay provided na wala siyang ibang iendorsed na other gas brand."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Diaz tungkol dito.