April 16, 2026

Home BALITA National

'Parang talangka!' Usec. Castro, kinondena puna ni Sen. Marcoleta sa hakbang ng gobyerno para sa UNSC!

'Parang talangka!' Usec. Castro, kinondena puna ni Sen. Marcoleta sa hakbang ng gobyerno para sa UNSC!
Photo courtesy: File Photo

Mariing kinondena ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang naging tila pagpuna umano ni Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa layunin ng Pilipinas na magkaroon ng puwesto sa United Nation (UN) Security Council (UNSC). 

Matatandaan kasing inihayag ni Marcoleta ang kuwestiyong ito sa pagdinig ng Senate Foreign Relations Committee noong Marso 6, 2026, kung saan tinanong niya ang posibleng mapala ng bansa sakaling mang maging miyembro ito ng UNSC. 

“Ano po ba ang mapapala natin doon kung mag- apply tayong temporary... pakikinggan kaya [tayo] ang lalaking mga bansa 'yon? They are permanent members of the Security Council of the United Nations,” aniya. 

Habang sinusulat ito, kasalukuyan naman nang nasa New York si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., mula pa noong Linggo, Marso 8, 2026, kung saan nakatakda siyang dumalo sa dalawang araw na pagpupulong ng UN hanggang Martes, Marso 10, 2026. 

Isa sa mga layunin ng Pangulo ang makapagsalita sa espesyal na sesyon ng UN general assembly at makakuha ng karagdagang suporta sa kandidatura ng Pilipinas na maging non-permanent member ng UNSC sa paparating na mga taong 2027 hanggang 2028.

National

Libreng sakay para sa solo parents, aarangkada hanggang Abril 18

KAUGNAY NA BALITA: PBBM nakatakdang bumisita, manawagan ng kapayapaan sa UN ugnay sa sigalot sa Middle East!

Ayon naman sa naging pagkondena ni Castro kay Marcoleta nitong Lunes, Marso 9, 2026, sinabi niyang ang mga katulad na pahayag ng senador ang tila hindi maganda sa ilang mga Pilipino dahil mas nagiging negatibo raw ang mga ito. 

“‘Yon lang po kasi ang hindi nagiging maganda sa iba nating mga kababayan,” pagsisimula niya, “Instead na maging positibo, mas nagiging negatibo po.” 

Ani Castro, tila raw talangka ang mga kagaya ni Marcoleta na pilit umanong ibinabagsak ang integridad at kapasidad ng kayang gawin pa ng Pilipinas. 

“Mas nadidinig pa ang pagbagsak ng integridad ng Pilipinas. Parang talangka na pilit ibinabagsak kung ano ang kapasidad ng ating bansa,” aniya. 

Paliwanag ni Castro, “Ang pagiging miyembro sa isang non-permanent seat sa UN Security Council, ito po ay makakapagbibigay ng boses sa Pilipinas… makakapagbigay po ito ng pagkakataon upang makapaghubog ng mga pandaigdigang agenda or adhikain.” 

Dagdag pa niya, “Pati na po makakasama sila [ang UN] para makapagbigay din po ng mga suhestiyon para sa mga pagbibigay ng desisyon sa usaping pandaigdigang kapayapaan at seguridad.” 

Pagpapatuloy ni Castro, interes raw para sa buong rehiyon sa Pilipinas ang hangarin nilang maging miyembro ng UNSC at maiangat ang kredibilidad ng bansa para malinaw na maipakitang isinusulong nito ang kapayapaan para sa lahat. 

“Hindi lamang po ito sa bansa natin. Hindi lamang interes ito ng bansa natin, interes din ito ng ating rehiyon. Hindi lamang po ‘yan, ito po ay makakapag-angat ng ating kredibilidad upang mapakita natin na tayo’y leader para sa kapayapaan,” saad niya. 

Paglilinaw pa niya, “Pati po ang integridad ng Pilipinas upang gampanan ang kaniyang tungkulin para mas lumawig pa ang pagtawag sa pandaigdigang kapayapaan.” 

Anang undersecretary, hindi raw kasi nakikita ni Marcoleta ang ganitong hangarin ng administrasyon at idiniin niyang may magiging ganansya ang bansa sa isinusulong nilang ito. 

“Hindi po ‘yan kasi ang nakikita nila, e. Sabi nga po dito, nadinig po natin na konti lang po ang mage-gain natin. Kahit paano, meron po tayong mage-gain: ang boses po na ito, kahit isang bansa lang po tayo, kapag po naipakita ng ating bansa kung ano ang nararapat sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad, ito po ay pakikinggan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Marcoleta kaugnay rito. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita