Tinabla ng Malacañang ang kritisismong pinakawalan ni Vice President Sara Duterte kamakailan, hinggil sa repatriation process na dapat umanong isagawa ng pamahalaan upang mapauwi ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
“Napakadaling magpadala ng eroplano e, sa totoo lang. Alam n’yo ba noong COVID na panahon, madami ang na-stranded na mga taga-Davao City dito sa Manila. Napakadali. Nangontrata kami ng commercial airline… Ilang beses naming ginawa ‘yon,” saad ni VP Sara sa pakikipanayam niya sa programang “Ibalik ang Tapang at Malasakit.”
Buwelta naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ito raw ang problema sa mga hindi nag-aaral at hindi nag-iisip.
“Unang-una po siguro, diyan ang problema po sa mga hindi nag-aaral at hindi nag-iisip, at hindi inaalam kung ano talaga ang programa ng gobyernong ito,” ani Usec. Castro sa isang pahayag sa media nitong Lunes, Marso 9.
Aniya, “Makapagsalita lamang para makakuha siguro ng mga views pero hindi po ito naaayon sa reyalidad.”
Giit pa niya, ang isang pinuno raw ay dapat na bumabase sa katotohanan, lalo kung ito ay gumagawa ng isang desisyon.
“Unang-una po, kapag ka po ang isang lider dapat siya ay nagbibigay ng opinyon, siya ay nagsu-suggest, nagbibigay ng desisyon, ayon sa katotohanan, ayon sa facts, ayon din sa mga sitwasyon, at ayon sa mga kondisyon ng mga stakeholders. Hindi po ayon lamang sa iisang kaibigan,” aniya.
“Dahil diyan po manggagaling ang iyong desisyon, malamang lumigwak ang buong Pilipinas kung puro kaibigan, puro chismis lang po ang ating pagbabasehan ng desisyon. So mas maganda po talaga, ang isang lider natin ay marunong mag-isip, marunong magdesisyon, [at] hindi para pansarili lamang kung hindi para sa buong bayan,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan, inihayag mismo ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi pa umano posible ang “mass repatriation,” ngunit ito ay inaasikaso na nila.
"Doon sa mga nag-manifest na nais na nila ding umuwi, we are working out along with the DFA and the host countries yung manner which we will start moving people through these exit points. Walang mass repatriation sa ngayon kasi yun po ay mandatory level which is Alert Level 4, but for the countries in the Gulf and Israel, hindi pa ho tayo humantong sa level ng repatriation," saad ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac.
MAKI-BALITA: DMW: Walang mass repatriation sa ngayon-Balita
Samantala, hindi pa naglalabas si VP Sara ng anumang komento o tugon kaugnay sa pahayag na ito ni Usec. Castro.
Vincent Gutierrez/BALITA