Inilunsad ng iba’t ibang telecommunication services sa bansa ang “Libreng Tawag Program” bilang karagdagang tulong sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang naiipit sa patuloy na girian Middle East at kanilang mga kaanak.
Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Marso 9, na ang Libreng Tawag Program ay nagpapahintulot na makatawag ang OFWs sa mga kaanak nila sa Pilipinas nang walang anumang bayad.
Saklaw nito ang OFWs na nagtatrabaho sa mga bansang Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates (UAE), at Saudi Arabia.
Ang nasabing telecommunication services na ito ay ang Globe/TM, PLDT/Smart, at DITO.
Ang mga kompanyang ito ay nakatakda ring mag-set up ng mga libreng call stations sa ilang business centers sa major malls sa bansa upang matulungan ang mga kaanak na makipag-usap sa kanilang mahal sa buhay sa Middle East nang walang pinansyal na dagok.
“Through these efforts, we want to ensure that our kababayans can remain connected with their families, offer comfort to one another, and confirm their safety without additional financial burden,” saad ni PBBM.
Matatandaang naghandog din ng libreng internet at connectivity ang iba’t ibang opisina ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa apektadong OFWs sa Middle East.
MAKI-BALITA: ‘Libreng internet connection’ handog ng DICT sa mga pamilya ng OFWs sa Middle East
Sean Antonio/BALITA