Buminggo sa Department of Migrant Workers (DMW) ang isa nilang tauhang nakuhanan ng video na nagsuplado umano laban sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Bahrain.
Nitong Lunes, Marso 9, 2026, kinumpirma ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac ang pagkakasibak ng naturang opisyal at ipinare-recall na rin daw niya ito.
"I have issued the order of recalling that MWO Bahrain employee being highly disrespectful to OFWs in a viral video, I assure our dear OFWs that we shall continue to serve with humility, respect and hard work," ani Cacdac.
Samantala, sa opisyal na Facebook post ni Sen. Raffy Tulfo nito ring Lunes, kinumpirma nito na bilang Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ay nakarating sa kaniya ang naturang reklamo.
Saad pa ng naturang post na kaagad tinawagan ng senador si Sec. Cacdac upang imungkahi ang pagpapanagot sa opisyal na sangkot sa nasabing viral video.
Ilang oras matapos ang pag-uusap nina Tulfo at Cacdac sa telepono ay ang kumpirmasyon ng pagkakasibak sa naturang empleyado ng DMW.