Pitong sasakyan ang nagbanggaan habang nakapila sa isang gasolinahan sa Quezon City noong Linggo, Marso 8, 2026.
Ayon sa mga ulat, nauwi sa karambola ang pagbangga ng isang SUV na noo'y nagpapahangin na lang daw ng gulong matapos itong makapagpakarga na ng gasolina.
Lumalabas sa imbestigasyon na bigla umanong nanikip ang dibdib ng 80 taong gulang na driver ng naturang SUV, dahilan upang mag-atras-abante raw ito at mahagip ang mga nakapilang sasakyan.
Samantala, wala namang naiulat na nasaktan mula sa mga driver at pasahero ng apektadong anim na sasakyan.
Nagkausap na rin ang mga kaanak ng driver ng SUV at panig ng mga napinsalang sasakyan, at nangakong sasagutin nila ang pinsalang nangyari dulot ng aksidente.
Nasa maayos na ring kalagayan ang senior citizen na driver ng SUV matapos siyang madala sa pagamutan.