Inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na raw puwede ang mga talumpati na isinasagawa ng mga politiko tuwing sila ay magbabahagi ng tulong sa kanilang mga nasasakupan.
Kaugnay ito sa natanggap niyang matanong hinggil sa mga umano’y politikong nagsasalita pa at hinihintay pa ng mga mamamayan, bago sila maabutan ng tulong o ayuda.
Sa ika-278 episode ng BBM vlog nitong Linggo, Marso 8, nilinaw ng Pangulo na ito raw ay nakasaad na sa memorandum na ibinaba ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“Alam n’yo po, basta’t ito ay mga programa ng national government, ang mga speech at iba pang pang-epal bago ang distribusyon, hindi na po pupwede ‘yan,” saad ni PBBM.
Aniya, “Hindi puwedeng gamitin ang government services sa pamumulitika o pagpo-promote ng sarili.”
Ani PBBM, nakasaad na raw ito sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular at kabilang na rin sa probisyon ng General Appropriations Act (GAA).
“Sa distribution naman, pinapag-usapan na ang pagdi-digitize ng proseso [ng pagbibigay ng tulong]—baka puwedeng GCash,” anang Pangulo.
“May ibang mga LGU na gaya ng Makati [City] na sinusubukan na ang ganitong sistema. Dapat tingnan pa rin ng mga local government unit ang modelong ito, aralin ang sistema at unti-unting maimplementa,” dagdag pa niya.
“Basta’t sa national government nanggaling ‘yan, mabilis na—hindi ka na kailangang makinig sa mahabang speech ng mga politiko,” pagtatapos niya.
Vincent Gutierrez/BALITA