Mukhang hindi papalagpasin ni Karla Estrada ang isang netizen na nag-post ng hateful comment laban sa anak na si Lella Ford, matapos tanghaling Kapamilya Big Winner ng katatapos na "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0."
Sa Facebook post ni Momshie Karla noong Marso 2, ipinakita niya ang screenshots ng pambabash ng nabanggit na netizen laban sa kaniyang anak.
Dinawait pa ng nabanggit na basher ang pumanaw na anak ni Kapuso trivia master-TV host Kuya Kim Atienza, na si Emman Atienza.
Wini-wish ng nabanggit na basher na sana raw, matulad kay Emman si Lella.
Matatandaang lumikha ng ingay ang pagpanaw ni Emman matapos niyang kitlin ang sariling buhay.
Mababasa sa post ng nabanggit na netizen, "Lella remember Emman? Sana gawin mo rin po please."
Isang netizen naman ang nag-react at naglapag ng dalawang question mark sa nabanggit na post.
Pero hindi nagpatinag ang basher at sinagot ito, "naway ma depress sa mga comment st sundan nya si emman. Di mo gets? Sana gets mo na."
Nakarating naman ito sa kaalaman ni Karla, at batay sa kaniyang post, tila may balak siyang gawin sa nabanggit na netizen.
"May kahihinatnan to nasira na ulo," anang actress-TV host.
Bukod dito, ipinakita pa ni Karla ang iba pang screenshots ng social media accounts ng bashers na "below the belt" na sa anak.
"nasasanay kayo na mag bash lang ng di nyo iniisip naka tiwangwang mga profile nyo kasama mga anak ,mga magulang at pamilya nyo," ani Karla.
"pinadala lang sakin ito ng cyber libel team. hindi nyo kailangang mag lock ng profile ma checheck din kse lahat."
"cge lang mabastos lang kayo may balik lahat," aniya pa.
Marami naman ang humikayat kay Karla na sampolan ang nabanggit na basher at maghain ng pormal na reklamo laban sa kaniya.
"Always think before you speak. Words are powerful," sey ng isa.
Pahayag naman ng isa, "grabeeeeeee!!! trace na yan jusq."
"ipa trace na yan momsh," anang isa.
Samantala, wala pang sey si Monshie Karla kung ano ang susunod niyang mga hakbang laban sa nabanggit na basher.