Nagpaabot ng pasasalamat ang komedyanteng si Tuesday Vargas sa mga taong nagsasabing wala na umano siyang career matapos niyang pasukin ang live selling.
Sa isang Facebook post noong Lunes, Marso 3, sinabi ni Tuesday na batid niyang may itinuturo ang Diyos sa puntong ito ng kaniyang buhay.
Aniya, “Alam kong may tinuturo ang Diyos sa akin sa season na ito ng aking buhay. Mas lalo akong kumakapit sa kanya at lalo pa akong nagsisikap kasi hindi pa rin ako natatalo hanggang sa ngayon.”
“Kaya sa mga nagsasabi ng ‘ay nagla-live selling na lang kasi walang career’—salamat sa inyo. Lalo akong nagkakaroon ng motibasyong lumaban araw-araw upang ipakita sa inyo na kailanman ay hindi nakakahiya ang marangal na hanapbuhay,” dugtong pa ni Tuesyda.
Bukod dito, pinasalamatan din niya, siyempre, ang mga nagbigay sa kaniya ng proyekto at trabaho.
“Salamat sa lahat po ng nagbigay sa akin ng projects at work. Patuloy lang po tayo sa pag ganap sa hamon ng buhay. Padayon!” anang komedyante.
Matatandaang nanawagan si Tuesday noong Pebrero sa mga kaibigan niyang writer, producer, at director para mabigyan siya ng trabaho.
Kasunod nito, pinalagan niya ang negatibong komento ng ilan na laos na umano siya dahil naghahanap na lang siya ng trabaho sa followers.
“Please lang po,” sabi ni Tuesday, “maayos naman akong nagpo-promote ng aking services at wala naman akong tinatapakan na tao kaya huwag naman kayong ganyan.”
Maki-Balita: Tuesday Vargas humihingi ng trabaho sa mga kaibigang writer, producer, director