March 17, 2026

Home BALITA Metro

NAPOLCOM Commissioner, nagsampa ng kaso vs Francis Leo Marcos!

NAPOLCOM Commissioner, nagsampa ng kaso vs Francis Leo Marcos!
Photo courtesy: NAPOLCOM (FB), File Photo

Nagsampa ng kaso si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan laban sa vlogger na si Norman Mangusin o mas kilala bilang “Francis Leo Marcos.” 

Bukod kay Calinisan, kasabay rin niyang nagsampa ng bukod pang mga kaso si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao laban din kay Mangusin. 

Ayon sa naging pagpunta ni Calinisan sa Quezon City Hall nitong Martes, Marso 3, 2026, sinabi niyang sinampahan niya ng mga kasong unjust vexation at cyberliber na may kaugnayan sa Republic Act 10175 si Mangusin. 

“Kinasuhan natin si Norman Mangusin ng unjust vexation at cyberliber in relation to RA 10175,” pagsisimula niya. 

Ani Calinisan, nagawa raw kasi siyang tawagin ni Mangusin na “K-pal” o “kupal” at “Shu Fat” o “supot” noong mga panahong iniimbestigahan nila ito. 

Metro

'Service interruption' ng LRT-2 inilatag na sa paghahanda sa Semana Santa

“Baka nakakalimutan natin, tinawag niya [tayo sa] kung ano-anong pangalan. Noong tayo ay nag-iimbestiga, tinawag niya tayong ‘K-pal’ [kupal], tinawag niya tayong ‘Shu Fat’ [supot],” aniya. 

Diin niya, “Which to me is very much uncalled for. We are government officials, we are doing our functions properly, correctly, and rightfully para sa taumbayan. And ito pong mga name calling na ganito is not necessary. We are making him accountable for what he has done.” 

Giit naman ni Calinisan, hindi raw sila “thin-skinned” o balat-sibuyas at ayaw rin nilang magsampa pa ng mga nasabing kaso ngunit mayroon pa raw mas malaking istorya tungkol sa mga ginawa ni Mangusin ang kailangan nilang aksyunan. 

“Sa totoo lang, ayaw namin sanang mag-file ng ganitong klaseng kaso kasi hindi naman kami thin-skinned. Kumbaga kaming mga nasa gobyerno, sanay naman kami sa batikos,” saad niya. 

“However, meron pang mas malaking istorya dito. Ang mas malaking istorya dito ‘yong napakaraming taong iniscam ni Mangusin, mga OFW na kinuhanan niya ng pera, ‘yong pulis na binabastos niya, ‘yong isang heneral, apat na colonel, at ‘yong buong sangkapulisan. ‘Yong iba pang mga ahensya ng gobyerno: NBI na sasampalin niya, LTO…” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Mangusin kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Francis Leo Marcos, pansamantalang nakalaya!

KAUGNAY NA BALITA: Naka-live pa! Francis Leo Marcos, hinainan ng arrest warrant habang kumakain!

Mc Vincent Mirabuna/Balita