Hindi na inaalis ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas, kasunod ng nangyayaring gulo sa pagitan ng Iran laban sa Israel at United States.
Sa panayam ng isang radio news program kay DOE Sec. Sharon Garin, iginiit niyang dapat na raw asahan ang magiging pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
"Ang presyo talaga taas 'yan. I will not sugarcoat it. Sabihin mo na may oil na darating, tataas talaga dahil sa tensyon. The stress of the market will increase the price hanggang mag-stabilize 'yan. We need to expect that," anang kalihim.
Dagdag pa niya, "Supply is the most crucial na ayaw na nating kumalang at mawalan tayo ng oil dito."
Saad pa niya, patuloy daw nilang mino-monitor ang magiging paggalaw ng produktong petrolyo sa pandaigdaigang merkado.
"Mino-monitor lang namin yung supply kasi. Sisiguraduhin natin na maron tayo kasi baka tumagal ang pagsara ng Strait of Hormuz. D'yan dumadaan ang shipping ng mga oil products so malaki ang dependence natin d'yan. I want us to prepare na in case ilang araw o ilang linggo na hindi makadaan ang oil deliveries at ano ang status ng supply natin," ani Garin.
Matatandaang noong Sabado, Pebrero 28, sumiklab ang kaguluhan sa Middle East matapos ang pag-atake ng pwersa ng US at Israel laban sa Iran.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Bunsod nito, isinara ng Iran ang Strait of Hormuz na siyang pangunahing daanan ng mga fuel shipments patungo sa iba't ibang panig ng mundo.
Ilang fuel shipment companies at traders na rin ang nag-anunsyo ng pansamantala nilang pagsuspinde sa kanilang operasyon bunsod ng kaguluhan at banta sa kanilang seguridad.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang oil and gas traders sa Middle-East, nagsuspinde ng operasyon dahil sa US-Israel attacks