Iginiit ng negosyanteng si Glenda Dela Cruz na walang katotohanan ang mga kumakalat na paratang na iniuugnay siya sa umano’y fugitive na si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kasunod ng kaniyang pag-travel sa Portugal.
Sa isang social media post, kinumpirma ni Dela Cruz na siya ay dumating sa Lisbon at nagtungo sa Porto sa loob ng limang araw.
Gayunman, tila hindi napigilan ang pagkalat ng mga espekulasyon online na iniuugnay ang kaniyang biyahe sa naturang personalidad.
Kontrobersiyal ang dating mambabatas dahil sa mga alegasyon patungkol sa kickback na natatanggap sa national budget, na nagpakawala rin ng mga pasabog laban kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez na umano'y nagmanipula nito.
Sa kasalukuyan, hindi pa humaharap sa alinmang pagdinig si Co dahil nasa ibang bansa siya. Batay sa mga ulat, ang dating mambabatas ay nagtatago sa bansang Portugal.
Sa isang opisyal na pahayag, iginiit ni Dela Cruz na walang katotohanan ang mga paratang na siya ay konektado kay Co, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa money laundering at iba pang kontrobersiya.
Sa panibagong Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 26, sinabi ng CEO ng isang beauty product na nagtataka umano siya kung paano aniya siyang nadawit sa isyu sa kabila ng isang simpleng paglalakbay.
Pinabulaanan din niya ang mga alegasyong may pribado siyang jet at nagdala ng malaking halaga ng pera palabas ng bansa. Ipinaliwanag ng negosyante na may umiiral na limitasyon sa pagdadala ng cash sa ibang bansa, at may mahigpit na patakaran ang mga border at customs authorities.
Ipinagdiinan din ng negosyante na isa siyang “high taxpayer” sa Pilipinas. Aniya, nagbayad siya ng ₱111 milyon na income tax noong 2025. Ikinumpara niya ito sa paratang laban kay Zaldy Co, na umano’y sangkot sa pagnanakaw ng buwis ng bayan.
Dahil dito, nanawagan siya sa Senado na kumilos laban sa paglaganap ng fake news, na aniya’y matagal na niyang kinakaharap.
Bukod sa pagtatanggol sa sarili, iginiit din ni Dela Cruz ang lawak ng kaniyang negosyo. Ayon sa kaniya, mayroon siyang mahigit 1,000 empleyado, maraming truck na bumibiyahe araw-araw, pati na mga warehouse at planta.
Giit pa niya, hindi imposibleng maging bilyonaryo dahil sa pagbebenta ng sabon, at handa siyang ipakita ang aktuwal na operasyon ng kanilang kumpanya sa sinumang nagdududa.
"Again, HINDI imposibleng maging BILYONARYO ng dahil sa sabon. I have 1,000+ employees, napakadami naming truck na lumilibot araw-araw, warehouses at mga planta.Kung di kayo maniwala, see it for yourself," aniya pa.
Sa huli, nagpahayag siya ng pagkadismaya sa mga patuloy na bumabatikos sa kaniya, at tinawag pa ang isang “Kokey,” na umano’y hindi na tinatangkilik ang produkto at hindi sumusunod sa pamantayan ng FDA.
Sa kabila ng mga isyu, nanindigan si Dela Cruz sa kaniyang pahayag at iginiit na patuloy siyang lalaban sa mga maling paratang na ibinabato laban sa kaniya.
Kaugnay na Balita: Europe trip, inintriga! CEO Glenda Dela Cruz, pumalag sa pagkonekta sa kaniya kay Zaldy Co