Isiniwalat sa publiko ng tumayong abogado ng mga dati umanong security personnel ni Zaldy Co na si Atty. Levi Baligod na tumanggap umano si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ng halagang humigit-kumulang ₱112 milyon o $2 milyon sa nasabing dating mambabatas para sa pag-aasikaso ng pangangailangan ng International Criminal Court (ICC) investigators.
Ayon sa isinagawang press conference ni Baligod kasama ang 18 mga nagpakilalang dating security personnel ni Co sa Club Filipino, Greenhills, nitong Martes, Pebrero 24, 2026, sinabi ng abogado na ikinuwento ng mga nasabing dating bantay ni Co ang umano’y importanteng operasyon ng ICC investigators sa loob ng bansa.
“Meron silang mahalagang napansin, naobserbahan, at alam sa kanilang personal na pananaw dahil nasali sila sa isang importanteng operasyon,” pagsisimula niya.
Pagkukuwento ng abogado, “Nasangkot po o nasali ang mga sundalo natin sa ginawang operasyon ng ICC investigator sa Pilipinas. Unang dumating ang mga ICC investigators sa Pilipinas noong December 2023. At bago mag-December 2023 ay inutusan sila na magpapalit ng peso to dollars.”
Ani Baligod, nakapagpapalit daw ang nasabing mga dating security personnel ni Co ng aabot sa kabuuang halagang $2 milyon mula sa dalawang maletang may lamang ₱56 milyon bawat isa para umano sa pinaghahandaan noon nila Co sa pagdating ng tinawag nilang mga “foreigners.”
“Dalawang maleta na ang bawat maleta ay naglalaman ng ₱56 million kaya nakapagpalit sila ng equivalent to $2 million. At ang sabi ng mga executive assistants ni Ginoong Zaldy ay pinaghahandaan daw nila ang pagdating ng ‘foreigners,’” aniya.
Dagdag pa niya, “Kalaunan ay nakilala ang mga ito na ang foreigners na binabanggit ay mga ICC investigators.”
Anang abogado, si Trillanes daw ang nagpapadala ng mga testigo sa nasabing mga ICC investigators upang makapanayam ang mga ito.
“Nakapaloob dito na ang ginawa nila ay mag-interview ng mga witnesses na ipinaparating sa kanila ni Sonny Trillanes. Wala silang ininterview na mga witnesses kundi ang mga tao lamang na ipinapadala ni Sonny Trillanes,” diin niya.
Pagpapatuloy niya, binigay daw kay Trillanes ang nasabing milyon-milyong dolyar na pondo upang asikasuhin ang mga ICC investigators para sa mga sasakyan at hotel na ginamit ng mga ito.
“Ibinigay kay Sonny Trillanes ang pondo para sa pag-asikaso sa mga ICC investigators na ito. Kaya naman po lahat ng sasakyan na ginamit, lahat ng hotel accomodations ay sinagot ni Zaldy Co at saka ni Sonny Trillanes,” ‘ika niya.
“Napansin din po nila na lahat ng mga pag-interview ng ICC investigators ay sa mga pribadong lugar, wala man lang government office,” pahabol pa ng abogado.
Ayon pa kay Baligod, madalas din daw ang pagdadala ng mga maleta at paper bags na naglalaman ng pera at sinagot diumano nina Trillanes at Co ang lahat ng kinailangan ng ICC investigators.
“Makikita po ninyo ang madalas na pag-deliver nila ng male-maleta at minsan, mga paper bags naman na mga pera patungo sa mga nag-aalaga sa ICC investigators. Lahat ng pagkain nila, lahat ng ginamit nilang sasakyan, lahat ng hotel, lahat ng mga condominium units ay sinagot ng grupo ni Sonny Trillanes at saka ni Zaldy Co,” pagtatapos niya.
Samantala, agad at mariin namang itinanggi ni Trillanes ang naturang alegasyon laban sa kaniya ni Baligod at sinabi niyang magsasampa siya ng cyberlibel case laban sa dito at mga kasamahan ng nasabing abogado.
Mc Vincent Mirabuna/Balita