Humingi ng paumanhin sa publiko ang nag-viral na Sangguniang Kabataan (SK) chairman mula sa Sta.Cruz, Laguna matapos niyang ipakita ang pagsalat o paghawak sa mga panindang siopao at hotdog na pawang mga paninda sa isang convenience store.
Binanatan at tila "pinisa" sa kritisismo ng mga netizen si Mark Adrian Napiza dahil hindi nga naman magandang ipakitang hawakan ang mga panindang pagkain, at isang uri daw ng "kadugyutan."
Nakarating din ito sa kaalaman ni Sta.Cruz, Laguna Mayor Benjo Agarao at agad na ipinag-utos na imbestigahan ang mga pangyayari, lalo't isang public servant ang sangkot dito.
"Inatasan na po natin ang MILG (Municipal Interior and Local Government) at SK Federation sa pangunguna ni SK Fed Mark Anthony Molina na imbestigahan at patawan ng kaparusahan ang SK chairman na sangkot sa viral video," mababasa sa Facebook post ng alkalde, Martes, Pebrero 17.
"Nakakalungkot na isang SK Fed member na dapat nagsisilbing magandang halimbawa sa ating mga kabataan," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Mayor Benjo Agarao/FB
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Napiza hinggil sa nabanggit na insidente, sa pamamagitan ng social media post. Alam daw ni Napiza na mali ang kaniyang ginawa. Sinabi rin niyang lahat daw ng mga pagkaing hinawakan niyang nahagip sa video ay binili niya.
Mababasa sa kaniyang Facebook post, "Ako po ay nagbibigay ng aking pormal na paliwanag kaugnay sa video na aking nagawa na kumalat sa social media kung saan ako ay makikitang nasa loob ng 7-Eleven Convenience Store."
“Unang-una po, inaamin ko na ang aking naging kilos sa nasabing video ay hindi tama at hindi po nararapat, kahit na ito po ay ginawa ko lamang bilang biro na parte ng aking video content, kasama ng aking mga kaibigan at walang anumang hangad na masamang intensyon."
“Nauunawaan ko na hindi po ito tamang asal, lalo at higit bilang isang halal na Sangguniang Kabataan Chairman sa aming Barangay, alam ko po na may mas mataas na inaasahang pamantayan ng pag-uugali sa akin bilang isang lingkod-bayan."
"Gusto ko pong ipagbigay-alam na ang lahat ng aking nahawakang pagkain ay aking kinuha at binayaran ng mismong oras at araw na din na iyon."
"Gayunpaman, nauunawaan ko na ang issue po ay hindi lamang tungkol sa pagbabayad kundi tungkol sa wastong asal at sa imahe na naipakita at naging dating ng video content na ito sa publiko."
“Ina-acknowledged ko rin po na ang pagkalat ng video ay maaaring nakaapekto sa tiwala ng publiko at sa reputasyon ng Sangguniang Kabataan."
“Agad ko pong pinuntahan at nakausap ang pamunuan ng 7-Eleven upang humingi ng paumanhin sa paggawa ng content nang walang pahintulot at sa anumang abalang naidulot nito. Akin din pong tinanggal ang video nang aking maunawaan ang posibleng epekto nito."
“Kaugnay po sa sulat na naibaba at natanggap ko po mula sa Pangulo ng Sangguniang Kabataan Pederasyon na binigyang pansin ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng aming bayan, asahan po ninyo na ako ay makikipag ugnayan sa lalong madaling panahon."
“Inaako ko po ang buong pananagutan sa aking naging pagkakamali. Naiintindihan ko na bilang isang kabataang lider, ang aking mga kilos, maging sa personal man o opisyal na pagkakataon ay may kasamang responsibilidad at maaaring makaapekto sa tiwala ng publiko."
"Pinapangako ko po na sisikapin ko pong maging mas maingat at responsable sa aking mga susunod na hakbang upang hindi na po ito maulit."
"Sa lahat po ng naapektuhan, nabahala, o nadismaya sa nangyari, ako po ay taos-puso na humihingi ng paumanhin.
Handa po akong tanggapin ang anumang nararapat na hakbang o gabay mula po sa kinauukulan," pagtatapos niya.
Photo courtesy: Screenshot from Mark Adrian Napiza/FB
Samantala, wala pang update ang lokal na pamahalaan ng Sta. Cruz, Laguna kung anong disciplinary action ang ipapataw nila sa nabanggit na SK chairman.