May 22, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Melanie sa driver ni Rhian: 'Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw!'

Melanie sa driver ni Rhian: 'Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw!'
Photo courtesy: via MB/Screenshot from ABS-CBN News, TV Patrol (YT)

Binanatan ng aktres at beauty queen na si Melanie Marquez ang driver ni Rhian Ramos, kaibigan ng anak niyang si Michelle Marquez Dee, na nagsampa ng reklamong torture at serious illegal detention laban sa kanila.

Nag-ugat ang nabanggit na reklamo sa umano'y kinuhang angpao ng driver mula sa kuwarto ng condominium unit ng dalawa, na siya umanong hinahanap nila at umano'y pilit na kinukuha mula sa kaniya.

Matapos daw paaminin ng bodyguards at mismong nina Michelle, Rhian, at sangkot pa ang beauty queen na si Samantha Panlilio, tumalon daw mula sa 39th floor ng condo unit ang driver, at sa pamamagitan ng lubid, ay nakarating sa 25th floor.

Mariing pinabulaanan ni Melanie ang mga alegasyong ibinabato laban sa kaniyang anak, sa pamamagitan ng kaniyang social media post.

Sa isang art card na ibinahagi online, iginiit ni Melanie ang kaniyang paniniwala na ang isyu ay bahagi ng isang umano'y sinadyang paninira at umano’y tangkang pangingikil.

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Ayon sa kaniya, malinaw ang umano'y intensyon ng mga sangkot na “mag-blackmail para sa pera,” at posibleng may umiiral na sabwatan sa likod ng mga paratang.

“Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw,” pahayag ni Marquez, sabay giit na ang mga akusasyon ay nilikha upang bumuo ng isang “makatas na kuwento” na sisira sa reputasyon ng mga kilalang personalidad.

Aniya, habang tumatagal ang mga araw, mas nagiging malinaw ang posibilidad na may planong paninira laban sa isang “achiever” at matagumpay na artista.

Dagdag pa ng beteranang aktres at beauty queen, ang umano’y pangunahing motibo ng mga nagpapakalat ng isyu ay kasakiman. Hindi rin isinasantabi ni Melanie ang umano'y posibilidad na ang driver ay nasangkot sa isang mas malawak na sabwatan, at nanawagan siya ng pananagutan laban sa sinumang nagpasimula at nagpalaganap ng aniya’y “malisyosong gawain” na sumisira sa imahe ng kaniyang anak.

Sa huli, iginiit niya na dapat managot sa batas ang mga responsable kung mapatutunayang may krimen.

Photo courtesy: Melanie Marquez/FB

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng iba pang sangkot sa isyu.