January 31, 2026

Home BALITA National

Sen. Padilla, binuweltahan si Llamas: 'Parang pinatunayan n'yo na pangit kasi kayo!'

Sen. Padilla, binuweltahan si Llamas: 'Parang pinatunayan n'yo na pangit kasi kayo!'
Photo courtesy: File Photo

Hindi pinalampas ni Sen. Robin Padilla ang umano’y tila naging pasaring sa kaniya ng political pundit at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas na kailangan daw magpasalamat ang publiko kay Padilla dahil marami ang mga tumakbong artista noong midterm election nitong 2025 ang natalo.

“Hindi na raw tatakbo because we don’t deserve him. Alam mo, malaking tulong si Sen. Robin Hood Padilla. Dahil sa kaniya ay halos lahat ng artista na tumakbo last midterm election, natalo,” saad ni Llamas sa isang panayam sa kaniya noong Biyernes, Enero 30, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: Llamas pinuri si Sen. Padilla: 'Malaking tulong si Sen. Robin Hood!'

Ayon naman sa naging tugon ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Enero 31, 2026, sinabi niyang totoo naman daw na adbokasiya niya ang paghahalal ng hindi sikat, hindi mayaman, at hindi mula sa naghaharing pamilya sa politika.

National

Jack Argota, nag-react na posibleng ma-subpoena dahil sa 'pekeng' med record ni PBBM

“Mr. [Llamas], maraming salamat po,” pagsisimula niya, “Tunay po na [adbokasiya] ko ang paghalal ng hindi sikat, hindi mayaman at hindi mula sa political na pamilya kundi maghalal ng mga bago na mga walang pangalan , walang kayamanan at hindi mula sa political na pamilya.” 

Dagdag pa niya, “Hindi po patungkol sa mga artista lamang kundi sa lahat ng mga bolero na sumabit na, nahuli na at higit sa lahat nakapuwesto na [nang] ilang taon pero wala pa rin naitulong sa pag unlad ng bayan kundi pangungutya.” 

Buwelta ni Padilla, tila raw pinatunayan na rin ni Llamas ang sinasabi umano sa kaniya dati ng hindi niya pinangalanan na “pangit” daw ito kaya galit sa mga artista. 

“Parang pinatutunayan niyo po ang sinasabi ng isang abogada na Pangit po kasi kayo kaya dyan nanggaling ang galit niyo sa artista,” diin niya. 

Binalikan din ni Padilla ang umano’y kumalat na litrato noon ni Llamas na bumibili ng pirated DVD. 

“Parang kaplastikan din po yun nahuli kayo na bumibili ng pirated DVD,” saad niya. 

Ani Padilla, ipagdarasal niya raw na magbago na Llamas para “gumandang lalaki” naman umano ito. 

“Hindi Po kayo nakasuhan dito, Presidential adviser [nasaan] ang Delicadeza? Nong 2016, 2019 halos wala lumusot sa kandidato niyo hanggang 2022. Tsk [ipagdarasal] ko na [magbago] na po kayo para kahit paano ay gumandang lalaki naman po kayo,” aniya. 

Pagpapatuloy pa ng senador, bawasan daw ni Llamas ang pangungutya at subukang tumakbo sa Halalan.

“Bawas bawasan niyo po ang pangungutya. Mainam ay tumakbo po kayo para mapatunayan niyo din ang kakayahan niyo manalo,” paghihikayat niya. 

Anang senador, wala raw nakakagawa pa sa kasaysayan na may isang senador na magkasunod na nanguna sa eleksyon. 

“Hindi naman kailangan maging analyst para sabihin mahirap mag number one uli ang isang senador dahil sa kasaysayan ng senado walang senador ang nag number one ng magkasunod sa [re-election],” pagtatapos ni Padilla. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Llamas kaugnay sa post ni Padilla. 

MAKI-BALITA: Llamas sinagot si Sen. Padilla: 'Nalimutan ata, mahigit 10 taon na nakapasok China sa PH!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita