Ibinahagi sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang tila mariing pagtanggi umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagtugon sa panawagan ng mga mambabatas na ideklarang persona non grata ang ambassador ng Chinese Embassy.
Ayon sa naging panayam ng media, partikular ng ABS-CBN News Channel kay Castro noong Biyernes, Enero 30, natanong ito tungkol sa desisyon ni PBBM sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Embassy Ambassador Jing Quan dahil sa kamakailang naging mainit na tensyon sa pagitan ng nasabing embahada sa mga mambabatas ng Pilipinas.
“From certain legislators na ideklarang persona non grata ang Chinese Ambassador over remark he’s been making?” tanong kay Castro.
“No,” sagot niya, “‘No’ ang sagot ng Pangulo.”
Dagdag pa niya, “Hindi ko na kailangang patapusin tungkol sa ganiyang issue. So, sabi ng Pangulo, ‘no.’”
Pagpapatuloy ni Castro, malinaw daw na “no” ang naging sagot ng Pangulo tungkol sa panawagang ideklarang persona non grata ang kahit na sinomang ambassador ng mga embahadang nasa loob ng bansa.
“Basta ang sagot ng Pangulo patungkol sa panawagan na ideklarang persona non grata ang isang ambassador, no,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa naman inilalabas na opisyal na pahayag o tugon ang Pangulo kaugnay sa usaping ito.
Matatandaang kamakailang naging mainit ang tensyon sa pagitan ng nasabing embahada, ilang mga senador, at kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Hay Tarriela dahil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Partikular na dito ang ilang mga pahayag na inilabas at isiniwalat sa publiko ni Sen. Risa Hontiveros kung saan nagawa niyang sabihang “pa-victim,” “troll farm,” at iba pa ang Chinese Embassy.
MAKI-BALITA: Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS
“Masyado namang pa-victim ang pag-uugali ng Chinese embassy dito sa Manila. After all, sila po ‘yong umaatake ng lasers at kung ano-ano pa sa ating mga uniformed services, sila ang nagtataboy sa ating mga mangingisda sa fishing grounds ng Pilipinas, sila ang sumisira ng ating likas-yaman sa dagat,” saad ni Hontiveros sa isinagawa niyang press conference sa “Kapihan sa Senado” noong Enero 21, 2026.
Ayon naman sa naging privilege speech ni Hontiveros sa plenary session nila sa Senado noong Enero 26, 2026, nagawa niyang buweltahan ang Chinese embassy na tila raw “troll farm” na ito dahil sa umano’y sunod-sunod na pagpuntirya sa kaniya sa kanilang mga post sa social media.
“They kept replying and replying and replying to my Facebook posts, sunod-sunod na pang-iinsulto sa akin at sa ating mga institusyon, na para bang may quota,” aniya.
MAKI-BALITA: Sen. Kiko, bumuwelta sa Chinese embassy matapos puntiryahin si Sen. Risa!
MAKI-BALITA: 'Namimihasa na kayo mga walang 'ya!' Sen. Jinggoy, napikon na rin sa China
MAKI-BALITA: 'Layas!' Sen. Erwin Tulfo, nanggigil sa mga opisyal ng Chinese Embassy
Mc Vincent Mirabuna/Balita