January 31, 2026

Home BALITA National

Pasikat pa more! Driver na wala na ngang seatbelt, nag-drifting maneuvers pa lagot sa LTO

Pasikat pa more! Driver na wala na ngang seatbelt, nag-drifting maneuvers pa lagot sa LTO
Photo courtesy: Land Transportation Office (FB)

Nag-utos ang Land Transportation Office (LTO) Chief na si Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na agad na isyuhan ng Show Cause Order (SCO) ang driver at may-ari ng isang sasakyan na nasangkot sa isang viral na insidente ng mapanganib na pagmamaneho.

Batay sa Facebook post ng LTO, ang naturang insidente ay umani ng batikos matapos kumalat sa social media ang video na inupload sa account na “Pjmadd,” kung saan makikitang isang Hyundai Genesis Coupe ang nagsasagawa ng delikadong drifting maneuvers sa rotonda ng Tuguegarao City, na malinaw na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.

Ayon sa LTO, bukod sa reckless driving, natuklasan din na hindi nakasuot ng seatbelt ang driver sa oras ng insidente; isang tahasang paglabag sa mandatory use of seatbelt law.

Dagdag pa rito, lumalabas sa rekord na ang rehistro ng nasabing sasakyan ay paso na mula pa noong Hulyo 23, 2024.

National

Sen. Padilla, binuweltahan si Llamas: 'Parang pinatunayan n'yo na pangit kasi kayo!'

Batay sa inilabas na SCO, inaatasan ang driver at may-ari ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa East Avenue, Quezon City sa Pebrero 4, 2026, 3:00 ng hapon, upang maghain ng pormal na paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga paglabag sa batas trapiko.

Kabilang sa mga kasong maaaring isampa ang reckless driving, paglabag sa mandatory seatbelt use, at paglabag sa compulsory registration of motor vehicles.

Maaari ding masuspinde o tuluyang ma-revoke ang lisensya ng driver dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.” Inatasan din ang mga sangkot na dalhin ang sasakyan para sa masusing roadworthiness inspection.

Samantala, ipinatupad na ang pansamantalang suspensyon ng lisensya ng driver sa loob ng siyamnapung (90) araw at inatasan siyang isumite ito bago ang itinakdang pagdinig.

Ang sasakyan ay inilagay na rin sa “alarm status” upang pigilan ang anumang transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon pa sa LTO, kung hindi haharap o mabibigong magsumite ng paliwanag ang mga sangkot sa itinakdang araw, ituturing itong pagtalikod sa kanilang karapatang magdepensa at ipagpapatuloy ang imbestigasyon batay sa mga umiiral na dokumento.

Sa pahayag ni Assistant Secretary Lacanilao, binigyang-diin niya na pangunahing priyoridad ng LTO ang kaligtasan ng publiko sa mga kalsada.

Aniya, hindi papayagan ng ahensya ang anumang uri ng walang-ingat at ilegal na pagmamaneho na maaaring magdulot ng aksidente at ikapahamak ng buhay ng iba.

Hinikayat din niya ang lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko at igalang ang kaligtasan ng kapwa, sabay giit na patuloy at walang kinikilingang ipatutupad ng LTO ang mga umiiral na regulasyon upang matiyak ang ligtas na mga kalsada para sa lahat.