Inakusahan ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umano’y hiniling sa kaniya na umalis muna ng bansa at itigil ang pagbubunyag ng mga ebidensiyang nag-uugnay sa ilang opisyal ng gobyerno sa umano’y maanomalyang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Leviste, humiling siya ng travel authority mula sa House of Representatives para sa isang limang buwang biyahe na sasaklaw sa halos 20 bansa sa Asya, Europa, Gitnang Silangan at Hilagang Amerika.
Bagama’t hindi pinangalanan, sinabi ng baguhang mambabatas na may mga “representatives of the administration” na umano’y humiling sa kaniya na manahimik ukol sa isyu ng multibillion-peso flood control projects.
“I asked for the travel authority upon the request of representatives of the administration who asked that I go abroad and stop releasing evidence linking government officials to anomalous DPWH projects— but this does not mean that I will be abroad for that whole time,” pahayag ni Leviste sa isan panayam sa isang local news outlet.
Dagdag pa niya, “I will be present at any opportunity that Congress gives me to speak on any issue as long as I am asked or allowed.”
Ayon pa kay Leviste, ipinaabot umano sa kaniya ang kahilingan sa pamamagitan ng kaniyang ina na si Sen. Loren Legarda, na aniya’y nilapitan din ng mga opisyal ng administrasyon.
“Several high-level representatives of the administration have requested this- to my mom, so that I do not name them,” ayon kay Leviste.
Nang tanungin kung sino ang mga tinutukoy na “representatives,” tumanggi ang kongresista na magbigay ng mga pangalan.
“The request that I go abroad and stop releasing evidence linking government officials to DPWH projects came from high-level representatives on behalf of the administration,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Leviste na kabilang sa kaniyang nakatakdang biyahe ang pagbisita sa mga komunidad ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.