Higit na sa opisyal na bilang ng mga nawawala ang kasalukuyang tala ng mga nasawi mula sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, kamakailan.
Base sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa media noong umaga ng Sabado, Enero 31, umakyat na sa 33 ang tala ng mga nasawi mula sa nasabing insidente ng pagkalubog, sa Baluk-Baluk Island, Basilan.
Apat sa bilang na ito ay narekober nila noong Sabado, Enero 31.
Dalawa naman sa mga ito ay naiulat na natagpuan na sa Pilas Island, na may kalayuan na sa katubigan ng Baluk-Baluk.
Base sa listahan na inilabas ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) noong Huwebes, Enero 29, sa siyam na nakilalang mga katawan, 77-taong gulang ang naitalang pinakamatanda habang 6-taong gulang naman ang pinakabata.
Ayon naman sa isa pang panayam ng media kay (PCG) Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab PCG, noon ding Enero 30, nasa 11 naman ang mga naitala nilang nawawala pa.
Ibinahagi rin ni Cayabyab na tinitingnan pa nila ang pahayag ng ilang kamag-anak ng mga nawawala na posibleng hindi pa naisama ang kanilang kaanak sa manipesto o naisama pero hindi pa naitala sa kanilang opisyal na record.
Kaya sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng PCG ang kanilang mga hawak na dokumento, impormasyon, at ilan pang ulat mula sa mga kaanak ng mga pasahero ng MV Trisha Kerstin 3.
Matatandaan na noong Lunes, Enero 26, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng “full-blown” na imbestigasyon dahil sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3.
Dito ay inatasan ang MARINA at PCG na magsumite ng maritime safety audit sa loob ng 10 araw.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
KAUGNAY NA BALITA: Shipping line ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, nakiramay sa mga kaanak ng kanilang mga pasahero
Matatandaan din na unang naiulat ang trahedya noon din Enero 26 sa katubigan ng Baluk-Baluk Island, Basilan, kung saan dapat ay tutungo itong Jolo, Sulu.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
KAUGNAY NA BALITA: Mga umaaligid na pating, isa sa mga hamon ng ‘search and rescue’ sa MV Trisha Kerstin 3
Sean Antonio/BALITA