Sinagot at pinaalalahanan ng political pundit at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas ang naging pahayag ni Sen. Robin Padilla na mahigit isang taon na raw nakapasok ang China sa bansa.
Ayon kasi sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post noong Enero 28, 2026, sinabi niyang ang mga naghahanap umano ng gulo sa China ang tunay na pro China dahil nilalayon ng mga itong mabwisit o mapikon ang nasabing bansa dahilan para mapilitan nitong pasukin ang Pilipinas.
“Kayong naghahanap ng gulo sa China ang PRO China dahil sa mga ginagawa niyo baka sa bwisit at pikon sa inyo ay mapilitan sila na pasukin tayo, binigyan lang niyo ng dahilan ang Tsina na pasukin at sakupin tayo bigla at nagresulta pa ng kamatayan at pagkawasak,” saad ni Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: 'Parang may tira kayo!' Sen. Padilla, pinatutsadahan mga 'naghahanap ng gulo' sa China
Ayon naman kay Llamas, sa naging panayam sa kaniya sa Sa Totoo Lang ng One PH noong Biyernes, Enero 30, 2026, sinabi niyang baka raw nakalimutan na ng senador na halos isang dekada na nang makapasok ang China sa bansa at bumuo ng mga artificial islands.
“Ikalawa, sinabi rin niya kahapon na itong mga bumabanat sa China ang tunay pro China. Dahil sa kanila ay papasok daw ‘yong China sa ating teritoryo,” pagsisimula niya.
Dagdag niya, “Parang nakalimutan ata Sen. Robin Hood Padilla, ilang taon na—mahigit sampung taon na na nakapasok sa ating teritoryo ang China at nagtayo na ng mga artificial islands.”
Ani Llamas, ito raw ang dahilan kung bakit nagsampa ng kaso ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil ayaw pa ng umalis ng China sa teritoryo ng bansa.
“Kaya nga tayo nagsampa ng kaso sa UNCLOS, isang isang international tribunal dahil ika-sampung taon, this year, ‘yong ating victory ay dahil nga ayaw nilang umalis sa ating teritoryo,” diin niya.
Pagpapatuloy pa ni Llamas, hindi raw niya alam kung saang kuweba nanggaling si Padilla at hindi nito alam ang pagpasok ng China.
“Kaya hindi ko alam kung saang kuweba nagtatago si Sen. Robin Hood Padilla nitong nakaraang 13 taon o 14 na taon. Pero paalala lang, pumasok na ang China sa ating teritoryo. Nagtayo na nga ng artificial islands na mayroong submarine pens, mayroong missile silos, may mall, etcetera,” paglilinaw niya.
“A few months back, ang sabi ng China, pati daw ang Palawan ay bahagi ng kanilang teritoryo. Kaya paalala lang—correction lang ng kaunti,” pagtatapos pa ni Llamas.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Padilla kaugnay rito.
MAKI-BALITA: 'Parang may tira kayo!' Sen. Padilla, pinatutsadahan mga 'naghahanap ng gulo' sa China
MAKI-BALITA: Sen. Padilla, humirit pa kay Tarriela; 'pag sa Chinese bawal, 'pag rally puwede
MAKI-BALITA: Tarriela sa ‘di paggamit ng PCG ng water canon vs. CCG: ‘Ito ay pagpapakita ng propesyonalismo!’
Mc Vincent Mirabuna/Balita