Pinaiigting na ng Department of Health-Bureau of Quarantine (DOH-BOQ) ang border surveillance at screening protocols sa mga paliparan at pantalan bilang paghahanda sa banta ng Nipah virus sa Pilipinas.
Ayon sa pahayag ng DOH nitong Sabado, Enero 31, may mga nakapuwestong infrared scanners sa mga arrival concourse ng mga nakatalagang BOQ sub-stations sa mga pantalan at paliparan sa bansa.
May mga nakapuwesto ring nurses sa mga nakatalagang thermal scanners para sa monitoring ng body temperature ng mga pasaherong papasok sa Pilipinas mula sa ibang bansa, at kung matukoy na nasa 37.5 °C ang temperatura ng isang indibidwal, may spotters din na nakahanda para mano-manong obserbahan kung may sugat o rashes ito.
Ipinaliwanag din ng DOH na ang nasabing pasahero na kakikitaan ng anumang sintomas ng Nipah Virus ay sasailalim sa interview at physical check
Kung sakali namang kailangan na i-refer ito sa isang ospital para sa karagdagang pagsusuri, dadalhin ang pasahero sa isang DOH-designated hospital.
Bukod pa rito, para sa mga pasaherong nais pumasok sa bansa, may health declaration checklist silang kailangang kumpletuhin sa kanilang eTravel app, para makita ng BOQ kung manggagaling ba ang pasahero bansang may kasalukuyan nang kaso ng Nipah virus.
Bagama’t nilinaw ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng Nipah virus sa bansa, inabiso nito sa publiko na mag-ingat at ugaliin ang maayos at regular na paghuhugas ng mga kamay, at malinis na paghahanda ng mga pagkain, partikular ang mga karne.
KAUGNAY NA BALITA: Don't worry! Pilipinas, handa sa Nipah virus—DOH
KAUGNAY NA BALITA: Anne Curtis, praning sa ‘Nipah virus’
Ang Nipah virus ay isang seryos at nakamamatay na sakit na kumakalat sa mga hayop at tao.
Ang unang outbreak nito ay naitala noong 1999 sa Malaysia at Singapore, kung saan tinatayang 300 katao ang nagkasakit at higit 100 dito ay nasawi.
Sa Pilipinas, unang naitala ang kaso ng Nipah virus sa Sultan Kudarat noong 2014.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang kumakalat na ‘Nipah Virus’ sa iba’t ibang bansa?
Sean Antonio/BALITA