January 31, 2026

Home BALITA

Civil Aeronautics Board, dumipensa sa mas mahal na presyo ng domestic flights kumpara int'l flights

Civil Aeronautics Board, dumipensa sa mas mahal na presyo ng domestic flights kumpara int'l flights
Photo courtesy: MB file photo

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Transportation (DOTr) at Civil Aeronautics Board (CAB) kaugnay ng mataas na pasahe sa ilang domestic flights, kasunod ng mga reklamo mula sa mga pasahero.

Ayon sa DOTr at CAB, batid nila ang pangamba ng publiko hinggil sa presyo ng airline tickets at nagsasagawa na umano ng mga hakbang upang mapababa ang pamasahe sa mga lokal na biyahe, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez.

Sa pahayag, ipinaliwanag ng ahensya na ang presyo ng airline ticket ay nakadepende sa iba’t ibang salik. 

“Ang presyo ng isang airline ticket ay nakasalalay din sa ilang kadahilanan,” ayon sa CAB.

National

Pasikat pa more! Driver na wala na ngang seatbelt, nag-drifting maneuvers pa lagot sa LTO

Isa sa mga pangunahing dahilan umano ay ang laki ng eroplano at bilang ng pasaherong maaari nitong isakay. Ayon sa DOTr at CAB, mas mababa ang pamasahe kung mas marami ang pasaherong kayang isakay ng eroplano dahil mas nahahati ang gastos. 

Halimbawa, ang isang A330 na ginagamit sa malalaking paliparan tulad ng Cebu, Davao at General Santos ay may kapasidad na hanggang 459 pasahero, habang ang mga turboprop aircraft gaya ng ATR-72 ay hanggang 72 pasahero lamang.

Dagdag pa sa paliwanag, may mga paliparan sa bansa gaya ng Catarman, Siargao, Antique at Busuanga na limitado lamang sa paggamit ng maliliit na turboprop aircraft dahil sa maiksi ang kanilang runway.

 “Kung mas kaunti ang pasahero, mas mataas ang gastos bawat pasahero at magiging mas mataas ang pamasahe,” saad ng CAB.

Bilang tugon, sinabi ng DOTr at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na patuloy ang mga proyektong pagpapahaba ng runway upang makapagserbisyo ng mas malalaking jet aircraft. Ayon pa sa ahensya, natapos na ang runway expansion sa Antique Airport, habang inaasahang matatapos na rin ang proyekto sa Busuanga Airport, at susundan pa ng iba pang paliparan sa bansa.

Kasama rin sa mga hakbang ang paggawa ng mga maliliit na paliparan na “night capable” upang magamit ang mga ito araw at gabi. Ayon sa DOTr at CAAP, kapag mas maraming flight ang naidaragdag, makatutulong ito sa pagbaba ng pamasahe.

Sa kabila nito, tiniyak ng DOTr na patuloy nilang binabantayan sa pamamagitan ng CAB ang kabuuang pamasahe ng mga airline, lalo na sa mga domestic route gaya ng Manila–Catarman, upang masiguro na “nananatiling patas at makatwiran ang singil.”