Hindi pa prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsusulong ng mga amyenda sa 1987 Constitution dahil kasalukuyan umano siyang nakatuon sa pagtugon sa mga usaping pang-ekonomiya, ayon sa Malacañang nitong Sabado.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa napag-uusapan ang Charter change sa ngayon.
“Hindi pa po iyan napag-uusapan sa ngayon,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa niya, “Naka-focus po kasi ang Pangulo sa pag-angat sa ekonomiya ng bansa at hindi po iyan napag-usapan sa huling meeting ng Pangulo with his Economic team nito lang Biyernes, January 30, 2026.”
Ang pahayag ng Palasyo ay kasunod ng sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na handa niyang suportahan ang anumang hakbang para amyendahan ang 1987 Constitution, lalo na matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon nitong ideklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, dapat umanong magpulong ang mga lider ng Senado at Kamara sa mga susunod na linggo upang talakayin ang usapin, iginiit na ang nakikita niyang solusyon ay ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na bukas ang Pangulo na pag-aralan ang anumang hakbang na gagawin ng Kongreso.
“Ngunit kung may nagawa na silang hakbang patungkol dito, ito naman ay aaralin ng Pangulo,” aniya.
Inihayag ng Korte Suprema noong Huwebes na “denied with finality,” sa pamamagitan ng unanimous vote, ang motion for reconsideration na inihain ng House of Representatives na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon kaugnay ng impeachment laban kay Duterte.
Pinagtibay ng mataas na hukuman na ang impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay bawal na sa ilalim ng Article XI, Section 3, Subsection 5 ng Konstitusyon.
Samantala, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 4.4% noong 2025 batay sa gross domestic product (GDP), ngunit hindi nito naabot ang target ng pamahalaan sa ikatlong sunod na taon.
Iniugnay ito sa mga problemang dulot ng klima at sa pagbagsak ng kumpiyansa ng mga mamimili at mamumuhunan bunsod ng isyu ng katiwalian sa flood control projects.