Papalapit na sa pagtatapos ang Enero 2026, ngunit bago pa man tuluyang magpaalam ang unang buwan ng taon, tila agad nitong ipinadama ang bigat ng mga pagsubok. Sa loob lamang ng ilang linggo, samu’t saring balita ang bumungad sa sambayanan—mga kuwentong puno ng kasiyahan, dalamhati, pangamba, at pagkawala, na tila walang piniling oras upang durugin ang puso ng marami.
Sa halip na banayad na panimula, ang 2026 ay nagbukas sa isang masakit na realidad: na ang bagong taon ay hindi palaging may kasamang ginhawa, at minsan, ang unang hakbang pa lamang ay sapat na upang ipaalala kung gaano kahirap manatiling matatag sa gitna ng unos.
Kagaya na lamang sa dalawang malungkot na balita ng pagpanaw ng dalawang magkaibang taong gumaganap sa kanilang tungkulin, ngunit sa kasagsagan ng pagtupad nito, ay binawian ng buhay.
1. Pagkamatay ng guro habang nasa class observation
Sumakabilang-buhay ang isang guro matapos mawalan ng malay habang isinasagawa ang class observation sa kaniya sa loob ng isang silid-aralan sa Muntinlupa City kamakailan.
Ayon sa mga ulat, nagtuturo ang guro sa harapan ng klase at dalawang observer nang bigla siyang makaramdam ng pagkahilo, hanggang sa mahimatay at matumba sa sahig na ikinabagok naman ng ulo niya.
Kaugnay na Balita: Guro, patay matapos mahimatay habang nagka-class observation sa kaniya
Isinugod siya sa ospital subalit binawian din ng buhay ilang oras lang ang lumipas.
Nangyari ang insidente noong Enero 7, sa resumption of classes matapos ang mahabang bakasyon dahil sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) Schools Division of Muntinlupa ang matinding pagdadalamhati sa pagpanaw ng seasoned teacher.
Ayon sa pahayag na makikita sa opisyal na Facebook page ng schools division, si Ms. Agnes Buenaflor ng Pedro E. Diaz High School ay hindi lamang isang mahusay na educator kundi isa ring minamahal na mentor na nag-iwan ng malalim na impluwensiya sa buhay ng maraming mag-aaral at kapwa guro sa Pedro E. Diaz High School.
Kinilala rin ng DepEd ang malalim na kalungkutan na nararamdaman ng lahat ng nakakilala sa yumaong guro at hinikayat ang komunidad na magbuklod at magkaisa bilang paggalang sa kanyang naiambag at iniwang pamana sa edukasyon.
Kaugnay na Balita: Pumanaw na guro sa class observation, 'remarkable educator at cherished mentor'
Samantala, nagbigay rin ng kaniyang opisyal na pahayag ang Teacher's Dignity Coalition (TDC) tungkol sa insidente.
Nanawagan sila sa DepEd na i-review ang pagsasagawa ng class observations sa mga guro, lalo na sa mga seasoned teacher o matagal na sa tungkulin.
Kaugnay na Balita: DepEd, kinalampag! Teachers’ group, nakiramay sa naulila ng gurong namatay sa gitna ng class observation
Nagbukas naman ito ng diskusyon sa larang ng akademya, patungkol sa tunay na layunin ng class observations.
Sa isang ambush interview, sinabi mismo ni DepEd Sec. Sonny Angara na nirerepaso na nila ang tungkol sa class observation lalo na ang excessive pressure na dulot nito sa mga guro.
2. Pagkamatay ng isang photojournalist habang nasa Pahalik
Sumakabilang-buhay ang tabloid photojournalist na si Itoh San habang nasa coverage para sa Pista ng Poong Nazareno sa Quirino Grandstand noong Enero 9, 2026, habang nasa Pahalik.
Batay sa mga ulat, bumagsak siya habang nakatayo, nangisay pa at bumula rin ang bibig. Bagama’t nagawang isugod sa ospital, binawian din siya ng buhay. Sinasabing dulot ito ng atake sa puso.
Kaugnay na Balita: Photojournalist, nasawi sa Traslacion 2026 coverage
Ngunit sinasabing bago pa mangyari ang insidente, may iniindang sakit na si Itoh ngunit patuloy pa ring ginampanan ang trabaho sa kabila ng influenza o trangkaso.
Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang Movement for Media Safety Philippines, sa pamamagitan ng Facebook post ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), kaugnay sa nangyaring pagkamatay ng photojournalist habang nasa kalagitnaan ng kaniyang trabaho.
"As the media community mourns the loss of photojournalist Armelito 'Itoh' Son, who collapsed and died while covering the Traslacion in Manila on Friday, we should also see this as an opportunity and an urgent need to review our safety protocols,” anila.
Kaya naman pinaalala ng kilusan sa mga kapuwa manggagawa sa media na unahing palagi ang kalusugan at kaligtasan.
Nagbukas din ito ng diskusyunan hindi lamang sa mundo ng media kundi sa iba pang mga empleyado sa iba pang mga uri ng trabaho na isipin ang kapakanan ng kalusugan at kaligtasan bago pa man ang pagsabak sa trabaho.
Kaugnay na Balita: NUJP, pinarerebyu safety protocols ng media dahil sa namatay na photojournalist sa coverage ng Nazareno 2026