January 31, 2026

Home FEATURES Tourism

#BalitaExclusives: Nag-'Hep, Hep, Hooray' sa Igorot Stone Kingdom sa Baguio, pinatayuan ng monumento!

#BalitaExclusives: Nag-'Hep, Hep, Hooray' sa Igorot Stone Kingdom sa Baguio, pinatayuan ng monumento!
Photo courtesy: Nicole Marcelo (BALITA)/Randy Hugo (FB)

Noong 2022, tuwang-tuwa ang mga netizen sa TikTok video ng isang lalaking nagngangalang "Randy Hugo" matapos niyang ibahagi ang kaniyang "lakas-trip" na pagsigaw sa ituktok ng "Igorot Stone Kingdom", isang tourist attraction site sa Baguio City.

Ayon sa caption ni Randy sa kaniyang TikTok videos, unang beses niyang makarating sa Igorot Stone Kingdom. Sa unang video, lakas-loob na sumigaw nang pagkalakas-lakas si Randy sa mga kapwa Pilipinong turistang namamasyal sa ibaba.

"Pinatawag ko kayo… para maghatid ng magandang balita! Ameeennn!!!" aniya.

Sa pangalawang video naman, dito na siya nagpa-"Hep! Hep! Hooray!" sa mga tao.

Tourism

Alamin: 64 na visa-free destinations para sa PH Passport holders

"Mga kababayan… 'Hep! Hep!"

"Hooray!" game na sigaw naman ng mga tao.

"Thank you!" tawang-tawang sabi ni Randy, gayundin ng mga kasama niya.

Kaugnay na Balita: 'Lakas-trip!' Kelot, nagpa-'Hep! Hep! Hooray!' sa Igorot Stone Kingdom, naghatid ng good vibes

Makalipas ang halos tatlong taon, sinong mag-aakalang natuwa pala sa kaniya ang mga may-ari ng nabanggit na tourist attraction, na umabot pa sa puntong pinagawan siya ng monumento roon?

Noong Enero 15, 2026, ibinahagi ni Randy ang naganap na seremonya sa pag-unveil ng kaniyang estatwa sa mismong puwesto sa nabanggit na stone kingdom.

Pinasalamatan niya sa post ang Velasco family na siyang nagmamay-ari ng Igorot Stone Kingdom sa pagpapagawa ng monumento para sa kaniya.

"Sobrang thank you po to VELASCO FAMILY of Igorot Stone Kingdom sa pagmamahal at pagpapahalaga sa akin bilang inyong 'ICONIC HEPHEP HOORAY' ng Baguio City," aniya.

"Sa hindi ko inaasahan nagkaroon ako ng Statue/Rebulto sa edad kong ito haha sabi nga nila buhay pa ako may rebulto na agad hehe."

"A lifetime statue na kung saan maalala ng lahat ang nagpasaya sa maraming tao at turista na dumarayo sa sikat na number 1 tourist spot ng Baguio City," aniya pa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Randy o Kagawad Randy Hugo, sinabi niyang isa pala siyang public servant ng Barangay Mayit sa Lucban, Quezon at isang turista sa Baguio City.

Labis-labis ang pasasalamat niya sa Velasco family dahil hindi raw niya talaga inasahan ang pagpapatayo sa kaniya ng estatwa.

"Di ko maipaliwanag sa tuwa ang aking sarili dahil sino ba naman ako, isang turista ng araw na 'yon, then sumigaw lang ako and it goes viral and after 3 years magugulat ako na pinagawan ako ng STATUE bilang pagkilala sa naging ICONIC HEP HEP HOORAY na nagpasikat sa kanilang tourist destination na ngayon ang IGOROT STONE KINGDOM ang No. 1 tourist spot ng Baguio," aniya.

"Sobrang pasasalamat ko sa VELASCO FAMILY sa pagkilala sa akin at pag recognize hehe."

"Sabi nga nila Kagawad Randy buhay ka pa may rebulto ka na hehe," aniya pa.

Samantala, proud na proud naman sa kaniya ang lokal na pamahalaan ng Lucban, Quezon, na naglabas naman ng opisyal na pahayag para sa kaniya.

"Ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Lucban, sa pamumuno ng ating butihing Mayor Agustin 'Tenten' Villaverde, ay taos-pusong nagpapaabot ng pagbati at pagkilala kay Kagawad Randy Hugo, isang kababayan na nagbigay-karangalan sa ating bayan matapos maging viral ang kanyang masiglang sigaw na 'Hep! Hep! Hooray!' sa Igorot Stone Kingdom, isang kilalang destinasyong panturismo sa Lungsod ng Baguio," mababasa rito.

"Bilang pagkilala sa kanyang natatanging ambag sa pagbibigay-kasiyahan at positibong impresyon sa publiko, siya ay pinarangalan ng Velasco Family ng Igorot Stone Kingdom sa pamamagitan ng paglikha ng kanyang rebulto sa mismong lugar kung saan naganap ang nasabing pangyayari."

"Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa pagpapahalaga sa kanyang iconic na 'Hep! Hep! Hooray!,' patunay na ang isang simpleng pagpapahayag ng saya ay maaaring maghatid ng positibong imahe, at karangalan hindi lamang sa isang indibidwal kundi maging sa buong pamayanang kanyang kinabibilangan."

Congratulations, Kagawad Randy Hugo!