Ipinatigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang operasyon ng isang “care facility” sa San Pedro, Laguna noong Huwebes, Enero 29, na pagmamay-ari ng isang vlogger.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng ahensya nitong Biyernes, Enero 30, wala umanong lisensya ang naturang pasilidad, na siyang pinamumunuan ng vlogger na si Benjie Perillo, o mas kilala bilang si “BenchTV.”
Base pa sa ulat ng Standards Bureau ng DSWD, kumukupkop na mula pa taong 2020 si BenchTV ng mga indibidwal na nakatira lamang sa kalye o lansangan.
Sa ikinasang operasyon ng Standards Bureau ng DSWD, kasama ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng San Pedro, DSWD’s Field Office’s (FO) 4A - CALABARZON, at iba pang awtoridad, napag-alamang 12 na indibidwal ang namamalagi sa pasilidad—kung saan dalawa ay menor de edad.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary at spokesperson Irene Dumlao nitong Biyernes, Enero 30, trabaho raw ng DSWD na siguruhin na ang mga kagayang pasilidad ay nag-ooperate nang may tiyak na proteksyon, dignidad, at karapatan.
“The role of the Department is not to discourage compassion-driven initiatives, but to make sure that every shelter operates within standards that protect the dignity, safety, and rights of clients. This is part of strengthening regulatory functions to ensure that well-meaning efforts do not result in unintended harm,” ani Dumlao.
Ganap nang inilipat sa kustodiya ng DSWD ang 6 na indibidwal—kasama na ang 2 menor de edad.
Samantala, ang natitirang anim ay nasa ilalim ng “close monitoring” ng Local Government Unit (LGU) upang ganap nang maibalik sa kani-kanilang pamilya.
“Regulation is essential in social welfare work because vulnerable individuals deserve services that meet minimum standards of care. The Department will continue engaging unlicensed shelters, providing guidance while taking necessary action to uphold child protection and social welfare laws,” saad pa ni Dumlao.
Matapos ang nasabing operasyon, inisyuhan ng isang “suspension order” si BenchTV, upang matigil ang operasyon ng nasabing pasilidad—na siyang matatapos naman kung sakaling makumpleto nila ang “licensing requirements” nito.
Vincent Gutierrez/BALITA