Nagbigay ng pahayag si Vice President Sara Duterte para sa mga taong sumusuporta sa kaniya matapos ang inilabas na desisyong “with finality” ng Korte Suprema sa pagbabasura ng apelang motion for reconsideration ng Kamara kaugnay sa impeachment complaint laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: SC, ibinasura motion for reconsideration ng Kamara sa impeachment complaint vs VP Sara
Ayon sa naisapublikong video ng Office of the Vice President (OVP) ni Duterte nitong Biyernes, Enero 30, sinabi niyang maghinay-hinay lang daw sa pagdiriwang ang mga taong sumusuporta sa kaniya tungkol sa desisyon ng Korte Suprema.
“Hinay-hinay lang sa celebration,” pagsisimumula niya, “Don’t drink and drive mga kababayan.”
Ani Duterte, magdiwang daw ang supporters niya nang responsable, huwag ubusin ang pera sa bisyo, at huwag magmaneho kung nakainom ng nakalalasing na alak.
“Mag-celebrate kayo pero celebrate responsibly. Huwag ubusin ang pera sa bisyo at huwag magmaneho nang lasing,” aniya.
Pagpapatuloy pa niya, tila mas maganda raw na magdiwang na lang sa pamamagitan internet sa social media.
“Kung maaari ay diyan na lang kayo sa mga bahay ninyo mag-celebrate. Or mag-celebrate kayo online, mas mura ‘yon,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nauna na ng naglabas ng pahayag ang defense team ni Duterte matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyong nagdedeklara na labag sa Konstitusyon ang impeachment articles na inihain laban sa kanya noong Huwebes, Enero 29, 2026.
MAKI-BALITA: Kampo ni VP Sara, ikinatuwa pagbasura ng SC impeachment bid: 'The matter is now closed!'
“We acknowledge the Resolution of the Supreme Court denying the Motion for Reconsideration filed by the House of Representatives,” anang kampo ni Duterte.
Nagpasalamat din ang defense team sa korte sa pagbibigay ng malinaw na gabay ukol sa tamang pagtrato at hangganan ng impeachment proceedings.
MAKI-BALITA: SP Sotto, dismayado sa desisyon ng Korte Suprema ugnay sa impeachment vs VP Sara
MAKI-BALITA: VP Sara, kinuwestiyon kung magpapalit ng legal team si FPRRD
Mc Vincent Mirabuna/Balita