Tinanggap ng vlogger na si Benjie Perillo, o mas kilala bilang si “BenchTV,” ang ikinasang operasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)—kung saan pinatigil ang operasyon ng kaniyang “care facility” sa San Pedro, Laguna.
Sa isang social media post na ibinahagi ni BenchTV nitong Biyernes, Enero 30, mababasang sinabi niya na tama naman daw na dapat ay sumunod ang bawat isa sa batas.
“Tama napo wag napo kayu ma sad…alam ko po na maging kayu ay apektado po nauunawaan nman po ntin na tama din po sila na dapat tayu sumunod sa batas,” saad niya.
Giit niya, “[K]ahit mabuti po yung gingawa natin talgang may dapat parin po tayu sundin ginawa lang po din nila ang kanilang sinumpaang tungkulin.”
Bunsod ng pangyayari, nakita raw niya na ang pagkakaroon ng “permit” ay ang solusyon sa naturang problema.
“[I]sa lang po ang nakikita ko na sulosyon sa lahat ang magkaroon tayu ng permit at maayus na facility hangad din naman nila ung kaligtasan ng lahat. [M]agtulungan nalang po sana at alam ko na ndi tayu pababayan ni Lord. [Hu]wag napo kayu ma sad at wag nyo na sila batuhin ng mga salita na bad ! Alam ko na may ibibigay satin c Lord na mga anghel para malampasan natin lahat ito at maging maayus ang lahat,” aniya.
"[S]obra lang pong lungkot kasi napamahal napo talga sala samin at tinuring nadin namin na pamilya ! LORD ikaw napo ang bahala sa lahat At naway magkaisa ang lahat para sa Bansang Pilipinas,” pagtatapos niya.
Photo courtesy: BenchTV/FB
Noong Huwebes, Enero 29, napaulat ang pagpapatigil sa operasyon ng “care facility” na pagmamay-ari ni BenchTV. Ayon kasi sa mga awtoridad, walang lisensya ang naturang pasilidad.
MAKI-BALITA: Walang lisensya! DSWD, ipinasara 'care facility' ng isang vlogger sa Laguna-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA