P25 ang minimum bet!
Magandang balita dahil simula sa susunod na buwan ay mas malalaking papremyo pa ang naghihintay na mapanalunan ng mga manlalaro ng lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa isang abiso, sinabi ng PCSO na simula sa Pebrero 1, Linggo, ay mas tataasan pa nila ang minimum jackpot prizes na maaaring mapanalunan sa lahat ng kanilang major games.
Layunin anila nitong matiyak na ang bawat lotto ticket na bibilhin ng kanilang mga parokyano ay mayroong mas malaking pagkakataon na baguhin ang kanilang buhay, simula pa lamang sa unang bola nito.
Ayon sa PCSO, alinsunod sa ipaiiral nilang updated prize structure, ang minimum jackpot prize para sa Lotto 6/42 ay gagawin na nilang P10 milyon mula sa dating P6 milyon habang ang premyo naman sa Mega Lotto 6/45 ay gagawin nilang P15 milyon mula sa dating P9 milyon lamang.
Ang premyo naman ng Super Lotto 6/49 na dating P16 milyon lamang ay gagawin nang P25 milyon; ang Grand Lotto 6/55 na mula sa P30 milyon ay magiging P45 milyon na; at ang Ultra Lotto 6/58 na mula sa P50 milyon lamang ay magiging P75 milyon na.
Kinumpirma naman ng PCSO na ang progressive jackpot system ay hindi pa rin naman magbabago.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, ang pagpapatupad ng mas malaking starting jackpot prize ay nagpapakita sa pagsusumikap ng PCSO na gawing mas exciting at rewarding pa ang kanilang mga palaro para sa lahat ng kanilang mga parokyano.
Sakali naman umanong walang manalo sa isang lotto draw, ang jackpot prize ay patuloy pa ring lalaki hanggang sa mapanalunan ng mapalad na lotto bettor.
Anang PCSO, bagamat ang naturang pagbabago ay may kasamang adjustment sa presyo ng ticket, layunin ng hakbang na mabigyan ang mga manlalaro nang mas competitive na "risk-to-reward ratio.”
“More importantly, the increased participation fueled by these larger jackpots directly expands the funds generated for the PCSO’s vital mission: providing health, medical assistance, and social welfare programs to millions of Filipinos,” anang PCSO.
“These higher starting jackpots reflect our commitment to keeping the games exciting while ensuring the long-term sustainability of our charitable initiatives,” paliwanag naman ni Robles. “Every ticket purchased is not just a chance to win; it’s a contribution to the nation's welfare.”
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang PCSO sa publiko na maging responsable sa paglalaro, manatiling updated sa mga naka-iskedyul na lotto draw at kuhanin lamang ang opisyal na resulta nito sa pamamagitan ng mga awtorisadong PCSO channels.