January 30, 2026

Home BALITA National

Matapos desisyon ng SC: SP Sotto, susuporta kung babaguhin Konstitusyon

Matapos desisyon ng SC: SP Sotto, susuporta kung babaguhin Konstitusyon
Photo courtesy: Senate of the Philippines (FB)

Tila bukas umanong susuporta si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sakali mang may magbabago ng Konstitusyon matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang Motion for Reconsideration ng Kamara kaugnay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: SC, ibinasura motion for reconsideration ng Kamara sa impeachment complaint vs VP Sara

Ayon kay Sotto, sa panayam sa kaniya nitong Biyernes, Enero 30, 2026, sinabi niyang pupunta raw siya sa Kongreso upang pag-usapan ang nasabing isyu. 

“What we can do is meet with them, pagsisimula niya, “I mean Congress, the House of the Representatives. Pag-uusapan lang ‘yong issue. Pag-uusapan namin ‘yan.” 

National

De Lima, umalma sa desisyon ng Korte Suprema ugnay sa impeachment vs VP Sara

Ani Sotto, ang pagpapalit o pagbabago sa Konstitusyon lang ang tanging naiisip niya bilang “outright solution.” 

“Kasi ang nakikita ko na outright solution, which could not be called ‘outright,’ ay palitan na natin [ang] Konstitusyon. Baguhin na natin [kapag] ganiyan,” aniya. 

Pagpapatuloy niya, maaari raw itong galawin sa pamamagitan ng constituent assembly o maghihintay sila ng dekada bago makapag-retire ang mga Supreme Court Justices. 

“Pagkatapos, marahil ‘yong constituent assembly makakapagpagalaw diyan or maghihintay tayo [ng] decades. Bakit? Kailangang ma-retire na muna itong mga Supreme Court’s Justices na ito para magbago [ang] kaisipan,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Kasi unanimous. Wala man lang disenteng opinyon, wala man lang opinion otherwise na sinabing ganito… o explanation, wala man lang.” 

Anang Senate President, baka raw abutin pa ng ilang taon bago sila makakilos at tila raw mapipilitan siyang pumayag sa Constitutional Convention (Con-con) o Constituent Assembly kahit ayaw niya sa mga ito. 

“So, nakakapagtaka. Baka nga it will take years, retirement, bago tayo sana makakilos at mailagay natin ulit sa lugar sa konstitusyonal,” saad niya, “O kung hindi rin lamang, ako, ayaw ko ng Con-con, ayaw ko ng Constituent Assembly pero [kapag] ganiyan ang usapan, payag na ako.” 

Nilinaw rin ni Sotto na hindi siya magtutulak na baguhin ang Konstitusyon bagkus ay susuporta siya dahil may kapangyarihan daw sila na gawin ‘yon. 

“I will not push. I will support. Sapagkat kung ang Supreme Court, puwedeng galawin ang Konstitusyon, aba ay dapat galawin na namin sapagkat kami ang empowered to do so,” paglilinaw niya.  

“Ang legislation ay sa Congress, hindi sa Supreme Court. Gusto natin baguhin ang Constitution, let's use a Constitutional Convention or a Constituent Assembly, hindi a Supreme Court decision,” pagtatapos pa ni Sotto. 

MAKI-BALITA: SP Sotto, dismayado sa desisyon ng Korte Suprema ugnay sa impeachment vs VP Sara

MAKI-BALITA: VP Sara sa supporters matapos ang desisyon ng SC: 'Hinay-hinay lang sa celebration!

Mc Vincent Mirabuna/Balita